(Ni Joel O. Amongo)
Isinailalim na sa blacklist ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Australian na nagpasok ng mga sex paraphernalia sa Pilipinas kamakailan.
Sa report, nakasaad na noong Marso 16, 2019, dumating sa Pilipinas si Timothy Philip Coleman na may Australian Passport No. PA5891588 sakay ng China Southern Airlines na may flight no. CZ8373 mula Guanzhou, China.
Dala umano ng dayuhang Australyano ang maraming sex paraphernalia na kinabibilangan ng mga vibrators, dildos, lubricants, at iba pa.
Nakumpiska ang mga ito ng Customs Examiners na nakatalaga sa Passenger Service, Sub-port of Mactan sa pamumuno ni OIC Deputy Collector Atty. Ricardo Morales II.
Ayon pa sa report, ilang oras bago pa ang kanyang scheduled departure noong Marso 23, 2019, nagtungo umano si Coleman sa BOC Office Terminal 2, na kung saan nakalagak ang mga sex paraphernalia at pilit umanong kinukuha nito at babalik na siya sa Australia.
Habang nasa loob umano ng Customs ang dayuhan ay nagpakita ito ng masamang ugali at nagsisigaw ng mga katagang “go out! Talk to your staff why I am allowed to get in here then I can’t get my items. I am departing today!”
Dahil dito, inirekomenda na i-ban si Coleman sa pagpasok sa anumang port ng bansa bukod sa ikonsiderang undersirable alien dahil sa kawalan ng respeto nito sa kababaihan dahil sa pagdadala nito ng nasabing sex paraphernalia.
Pormal namang kumilos ang BOC kaugnay sa insidente.
Noong Abril 9, 2019, nagsumite ng incident report si Mr. Nelson Gallentes, head supervisor ng Bureau of Immigration Mactan Cebu International Airport sa tanggapan ni Bureau of Immigration Jaime Morente kaugnay ng naging asta ng dayuhan.
Sinabi naman ni Gallentes, kung sa opisyal ng gobyerno ng Pilipinas ay walang respeto ang nabanggit na dayuhan mas lalong hindi nito irerespeto ang mga ordinaryong Pilipino.
Dahil dito, noong Mayo 20, 2019 nag-isyu ng blacklist order laban kay Coleman si Immigration Commissioner Morente.
164