UMAASA ang pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) na maaabot nila ang kanilang collection goals para sa taong 2023.
Ito ang inihayag ng isang opisyal ng BOC sa isinagawang forum noong Sabado.
“The BOC is optimistic that it will reach its collection goals for 2023 after logging a surplus of P17.68 billion in revenues as of November,” ani Atty. Marlon Agaceta, chief of staff ni Commissioner Bienvenido Rubio, sa isang News Forum noong Sabado.
Mula Enero hanggang Nobyembre, ang BOC ay nakapagkolekta ng P813.65 bilyon.
Ang BOC ay nagtakda ng kanilang 2023 target mula P900 bilyon hanggang P1 trilyon.
Sinabi pa ng opisyal, mahalaga ang mahigpit na pagsubaybay para mapataas ang revenue collection sa kabila ng mas mababang volume ng mga kalakal.
“Iyon po iyong talagang naging factor to consider or factor na nag-contribute for the bureau to attain the target now,” ayon sa opisyal.
Idinagdag pa nito na sa pamamagitan ng kanilang pinahusay na anti-smuggling drive, nagiging ‘more compliant’ ang mga importer.
Ayon pa sa report, ‘as of Nov. 30, ang BOC ay nakakumpiska ng P42.4 bilyong halaga ng smuggled commodities na bahagi ng kanilang pinalakas na border protection and anti-smuggling efforts.
Kabilang sa top-seized commodities ngayong taon ang P24.3 bilyong halaga ng mga pekeng kalakal, P7.58 bilyong halaga ng illegal drugs, P4.55 bilyong halaga ng agricultural products at tobacco, at P964 milyong halaga ng general merchandise.
Ang BOC ay nakapagtala ng kanilang highest annual revenue collection noong 2022 matapos na makapagkolekta ng kabuuang P862.929 bilyon, mas mataas sa kanilang P721.52 billion goal o 19.6-percent na lagpas kung ikukumpara sa P141.409 bilyon.
(BOY ANACTA)
