DELIVERY NG MGA BALIKBAYAN BOX UMARANGKADA NA

MATAPOS na matengga ng halos isang taon bunsod ng kapabayaan ng ilang tukoy na international freight forwarders, sinimulan na ang pagde-deliver ng libo-libong balikbayan boxes na padala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa kanilang mga kaanak sa bansa.

Sa isang pahayag, tiniyak naman ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na personal niyang tututukan ang mga kaganapan kaugnay ng isinasagawang paspasan at puspusang paghahatid ng mga kahon-kahong padala ng mga OFW sa kani-kanilang pamilya.

Batay sa mga ulat na natanggap ng ahensya, karamihan sa mga nakatenggang balikbayan box ay mula sa mga bansang bahagi ng Gitnang Asya kung saan nakikipagsapalaran ang mahigit isang milyong Pinoy na nagtatrabaho bilang OFW.

Kabilang naman sa mga dumulog sa BOC ang isang Jasmine Velarde Espeleta na nagtatrabaho sa Abu Dhabi. Aniya, ipinagkatiwala niya sa isang balikbayan delive­ry business ang kanyang padala sa pamilyang nakabase sa Leyte.

Sumbong pa ni Espeleta, bagama’t beripikadong lumapag na sa Pilipinas ang balikbayan box na kanyang pinadala, hindi naman aniya nakarating ang mga iyon sa kanyang pamilya.

Ang dahilan – hindi umano nagbigay ng pambayad ang kumpanya para mailabas sa BOC ang mga kahon at mai-deliver nang door-to-door.

“Matagal ka mag-ipon, pinaghirapan mong ipunan. Pagod, puyat, pawis mo. Kasi kailangan mong humanap ng pera bago ka makabili no’n,” dismayadong sambit ni Espeleta.

Gayunpaman, naibsan naman aniya ang kanyang alalahanin matapos mabalitaan ang kasunduan sa pagitan ng BOC at Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines na kap­wa nangakong ihahatid ang mga nakatenggang balikbayan box nang ‘di na kailangan pang gumastos ng mga OFW na nagpadala.

Batay sa pinakahuling ulat ng BOC, sa 26 na container van na may laman na tig-300 na inabandonang balikbayan boxes, pitong container vans na ang nai-deliver. May tatlong container vans naman ang pinoproseso na, habang sa September 30 naman ipoproseso ang iba pang kahon.

Nakikipag-ugnayan din ang BOC sa Department of Migrant Workers (DMW) para makasuhan ang mga nagpapabaya sa delivery ng mga padala ng OFWs.

Sa mga OFW na mayroong natenggang balikbayan boxes, maaaring makipag-ugnayan sa hotline ng ahensya na (02) 87056000.

6

Related posts

Leave a Comment