EKSPEKTASYON MATAAS SA PAGPASOK NI RECTO SA DOF

IMBESTIGAHAN NATIN ni JOEL O. AMONGO
MARAMING naniniwala o mataas ang ekspektasyon ng mga tao, kasama na ang ilang mambabatas, na mapangangasiwaan nang maayos ni dating Senador at Kongresista Ralph Recto ang pangangalap ng pera ng gobyerno sa kanyang bagong pwesto bilang kalihim ng Finance Department.
Ang Department of Finance (DOF) na opisina ng gobyerno ang naatasan na maghanap ng pera para sa gastusin ng gobyerno sa iba’t ibang proyekto nito.
Katuwang ng DOF sa pangangalap ng pera para may magamit na pondo ang pamahalaan, ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Ang BIR ang siyang naatasan na mangalap ng buwis o kita mula sa mga nagnenegosyo sa loob ng bansa, professionals, players at maging ang tinatawag na malala­king kumitang social media influencers, players, athletes, professionals at iba pa.
Nakasalalay naman sa BOC ang pangangalap ng duties and taxes mula sa exportation, importation na dumaraan sa mga pantalan at paliparan.
Sila rin ang sumasala sa parating na balikbayan boxes mula sa ating mga kababayan na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.
Ibig sabihin, sa DOF, BIR at BOC nakasalalay kung may magagamit na pera ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Kaya kailangang ang mga nakaupo sa tatlong opisinang ito ng gobyerno ay magagaling mangalap ng pera kung hindi ay mawiwindang ang mga proyekto ng pamahalaan.
Kung pinalitan na ang hepe ng Finance Department ay papalitan din daw ba ang BOC chief na si Commissioner Bienvenido Rubio? Tanong ng ilang tagasubaybay ng Imbestigahan Natin.
Kinailangan daw kasi ang mamumuno sa BOC ay tao rin ni Finance Secretary Recto para magkasundo sila sa mga programa ng DOF chief.
Umupo kasi si Rubio sa ilalim ng panunungkulan ni dating DOF Secretary Benjamin Diokno.
Matatandaang kamakalawa, inalis bilang Finance Secretary si Diokno at ipinalit sa kanya si House Deputy Speaker Ralph Recto ng Batangas.
Naniniwala naman si House Committee on Ways and Means Chairman Rep. Joey Salceda na magiging magandang katuwang ang Finance Secretary (Recto) sa Kamara sa paghahanap ng pondo.
“I welcome the likely appointment of fellow tax reformer Rep. Ralph Recto as Finance Secretary,” ani Salceda.
Si Recto ay pangunahing author ng 1997 Comprehensive Tax Reform Program.
Isinagawa ang opisyal na turnover ceremony sa pagitan nina Recto at Diokno sa DOF Office sa Maynila noong Enero 15, 2024.
Sana nga gumanda na ang ekonomiya ng bansa nang makahinga naman sa kahirapan ang lahi ni Juan dela Cruz.
oOo
Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
185

Related posts

Leave a Comment