AYAW NILA KAY MAYOR ABBY

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KUNG pagbabasehan ang mga komento sa social media, mukhang tama si Makati Mayor Abby Binay na kailangan niyang pag-isipang mabuti ang pagtakbong alkalde sa lungsod ng Taguig.

Tinuligsa kasi at inulan ng negatibong komento si Binay matapos ianunsyo na pinag-iisipan niya ang pagtakbo bilang mayor ng lungsod na pinamumunuan ngayon ng maybahay ni Senador Alan Cayetano.

Malaki ang posibilidad na mangabilang bakod ang mayora dahil nauna nang sinabi nito na naghihintay pa siya ng senyales kung tatakbo siya sa Taguig sa 2025 elections.

Bira ng mga netizen, pinapakita lamang ni Binay ang kanyang tunay na kulay sa planong pag-abandona sa mga taga-Makati.

“Akala ko ba mahal mo ang residente ng Makati? Bakit mo iiwan? Nakakatawa ka Abby Binay,” sabi ng netizen na si Jindy Millorin Abejero.

“Ibalik niya muna ang bilyon-bilyong taxes sa Taguig for 30 years!” nanggagalaiti namang sinabi ng isang Osette Alvarez.

“Lumalabas talaga ang kulay mo kapag politika ang pinag-uusapan. No doubt kahit pamilya mo kaya mong wasakin at awayin para sa pansariling kagustuhan,” banat naman ng isang Evelyn Copada.

Ayon pa sa mga netizen, hindi sila matitinag sa pagsuporta kay Taguig Mayor Lani Cayetano na subok na sa kanyang pamamahala sa lungsod, hindi gaya ni Binay na nagpasara pa ng mga fire station at health center sa mga EMBO barangay bagamat siya mismo ang naninindigan na bahagi ang mga ito ng Makati.

Narito pa ang ibang komento sa social media:

Sabi ni Marites Gonzales, “Solid TLC” siya at ang kanyang pamilya dahil “malaki ang naitutulong sa amin ng aming butihing Mayor Lani Cayetano lalo na sa mga scholars at seniors.”

Marami pa ang nagbulalas ng kanilang sapantaha sa inanunsyo ni Mayora Binay.

Sabi ng iba, hindi uubra sa Taguig ang pamumuno ni Binay sa Makati.

Paalala nila kay Mayor Abby Binay: Huwag nang subukan pa na pumasok ng Taguig dahil hindi kailangan ng Taguigeño ang basta-basta na lamang nang-iiwan sa ere at basta na lamang ipasasara ang public facilities.

Payo naman ng ilang netizen kay Binay ay mag-move on na siya dahil kung hindi anila ito makikinig sa mga payo ay dobleng kabiguan ang sasapitin niya. Talo na sa kaso ng teritoryo, talo pa rin sa eleksyon sa Taguig.

Grabe talagang magkomento at mang-asar ang mga netizen pero dapat bigyan pa rin ito ng pansin dahil maliwanag na inihahayag lang nila ang kanilang saloobin sa mga isyu.

Sabagay, hindi kailangan ni Binay na maging mayor ng Taguig para matulungan ang mga residente ng EMBO. Tumulong na lang, at makipagtulungan. ‘Yan ang dapat.

58

Related posts

Leave a Comment