(Ni BOY ANACTA)
ISANG malalimang imbestigasyon ang isasagawa ng Bureau of Customs (BOC) upang matukoy kung sinu-sino ang sangkot sa importasyon ng electronic waste mula South Korea.
Iniutos ni Commissioner Leonardo Rey Guerrero, ang malawakang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa mga responsable sa importasyon ng 40-footer container na naglalaman ng iba’t ibang electronic waste.
Kasama ang Environmental Protection and Compliance Division, ininspeksyon ng BOC-Manila International Container Port (MICP) ang kargamento noong Nobyembre 21. Ang kargamento ay nakapangalan sa Vision Restore and Equipment Corp. na dumaong sa MICP noong Nobyembre 6.
Sa ulat ng BOC, idineklara ng nagpadala na ang mga laman ng kargamento ay pawang mga lumang telebisyon at electric parts subalit nang masuri, ay mga basura ang laman nito kaya’t noong Nobyembre 15 ay nagpalabas ng alert order laban sa kargamento si MICP District Collector Pedro Francia IV.
Kasabay ng alert order, inirekomenda rin ang pagbawi ng accreditation ng importer at customs broker sa Account Management Office.
Magpapalabas din ng kautusan ang BOC na ibalik sa pinanggalingan nito ang mga basura.
116