IMBESTIGAHAN NATIN SUPORTA SA AGRIKULTURA

IMBESTIGAHAN NATIN
Ni JOEL O. AMONGO

HINDI masyadong kumbinsido ang inyong lingkod sa ibinibidang bentahe ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa mga magsasaka at ma­ngingisdang Pinoy.

Binuo kasi ang RCEP para sumipa ang ekonomiya sa paraan ng kalakalan sa ng mga 15 kasaping bansa sa Timog-Silangang Asya — kabilang ang Pilipinas.

May 15 kasapi sa RCEP — lahat ng mga miyembro ng ASEAN, ang ASEAN Plus Three (mga bansa sa Silangang Asya na may pormal na economic cooperation sa ASEAN), at malalaking bansa sa Oceania.

Sinasabi na malaki ang pakinabang ng ating bansa sa RCEP dahil ito’y isang malaking merkado para sa ating mga magsasaka at mangingisda.

Dyan ako diskumpyado. Dangan naman kasi sa pamilya pa lang nila, di na halos sumasapat ang kanilang mga ani at huli.

Sa mga nakalipas na dekada, palaging daing ng mga magbubukid at mangingisda sa suporta ng pamahalaan.

Paano sila ngayon makakasabay sa mga miyembro ng RCEP?

Sinasabi pa na ito rin ay malaking pinagkukunan ng ating mamamayan ng pagkain at iba pang produktong agrikultura.

Kung magkagayon, hindi matitigil ang smuggling papasok sa bayan ni Juan.

Ayon pa sa paliwanag ng ilang kinauukalan sa RCEP, ay walang bagong ipinangako ang Pilipinas patungkol sa pag-aangkat ng mga produktong pang-­agrikultura tulad ng bigas, mais, palm oil, karneng baboy, manok at iba’t ibang gulay.

Totoo ba yan? Matagal nang panahon na bumabaha ng imported agri-products sa bansa.

Maliban dito, ang mga bagong ipinangako ng Pilipinas na pagbaba ng buwis sa pag-angkat (import duty) ay limitado lamang sa mga sumusunod na bansa: Australia at New Zealand (9 na uri ng produkto), China (8 uri), at Korea (23 uri).

Inihayag din ng mga nagsusulong na hindi titindi ang pag-aangkat ng Pilipinas sa ilalim ng RCEP. Palasak na ang mga ganitong salita subalit pagdating ng panahon ang apektado ang mga kawawang magsasaka at mangingisda.

Sinabi nyong walang dapat ipangamba ang mga magsasaka sa pagpasok ng mga dayuhang produkto.

Kaya nga unti-unting nawawala ang mga magsasaka at mangingisda sa Pilipinas dahil pinapatay ng imported pro­ducts na ito.

Mas makabubuti sanang ayusin muna ng gobyerno ang kanilang suporta sa mga magsasaka at mangingisda.

Paghiram pa lang ng puhunan ng mga mangingisda at magsasaka sa mga bangko na pag-aari ng gobyerno ay pahirapan na.

Tulad na lamang yang Land Bank of the Philippines bakit nagkaroon niyan, ‘di ba para sa mga benepisyaryo ng land reform program ng gobyerno yan? Ilang porsyento ang kanilang pinauutang na mga magsasaka na benepisyaryo ng land reform program?

Madali ba ang proseso ng loan para sa mga magsasaka at mangingisda?

Kahit anong pasukin ng Pilipinas na organisasyon na binubuo ng iba’t ibang bansa na may kinalaman sa usapin ng agri-products kung wala o kulang naman ang suporta ng gobyerno sa mga magsasaka at mangingisda ay wala rin.

Sasabihin nyo ngayon na pagdating naman sa pagluluwas (exportation) ng mga produktong pang-agrikultura, may mga karagdagang probisyon sa RCEP na nagluluwag sa merkado ng mga kasaping bansa para sa iniluluwas ng Pilipinas.

Anong iluluwas na mga produkto ng Pilipinas sa mga bansang kasapi ng RCEP? Kaya ba nating sumabay sa mga bansang miyembro ng RCEP?

55

Related posts

Leave a Comment