TUMATAGINTING na P387.6-milyong halaga ng droga ang kumpiskado sa tatlong suspek na dinakip sa isang pinagsanib na anti-illegal drug operation ng Manila International Container Port – Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS), Quezon City Police District (QCPD), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kahabaan ng northbound lane ng Mindanao Avenue sa Quezon City.
Sugatan naman ang isa sa tatlong nadakip na suspek nang tangkaing manlaban sa mga operatiba. Kinilala ni QCPD Director, Brigadier General Remus Medina ang mga suspek na sina Gibbrael Arcega, Mikkael Arcega at ang sugatang si Ramil Ramos, na pawang residente ng Barangay Talipapa ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng pulisya, ikinasa ang operasyon bandang 10:30 ng umaga sa tabi ng isang gas station sa kahabaan ng northbound lane ng Mindanao Ave. makaraang makatanggap ng impormasyon kaugnay ng illegal drug activity ng mga suspek.
Narekober sa mga suspek ang isang putting Nissan Urvan kung saan nakuha ang nasa 50 kilo ng shabu – katumbas ng P387.6 milyon, isang blue suitcase, kalibre .45 baril at mga bala.
Paniwala ng Bureau of Customs (BOC), bahagi ng mas malaking kontrabando ang drogang nasamsam ng mga pinagsanib na operatiba mula sa mga arestadong
indibidwal.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang sabayang isinampa la-ban sa mga naturang suspek. (JOEL AMONGO)
125