(Ni BOY ANACTA)
Nasabat nitong nagdaang Lunes ng Bureau of Customs-Environmental Protection and Compliance Division (BOC-EPCD) ang apat na milyong pisong halaga ng refrigerant chemicals dahil sa kawalan ng kaukulang permit.
Ang nasabat na kargamento ay nakalagay sa isang 20 feet container at walang kaukulang clearance mula sa Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB).
Base sa report, ang 1,150 units ng Koman Refrigerant chemicals ay dumating noong Setyembre 7, 2019 sa Manila International Container Port (MICP) mula China.
Naka-consign umano ang container sa Barcolair Philippines Inc. at prinoseso ng Customs broker na si Alex Talaboc Bayot.
Lumitaw sa DENR records na ang importer ay nag-renew ng kanilang registration bilang importer subali’t hindi nag-secure ng Pre-Shipment Importation Clearance (PSIC) na nagresulta ng pagkasabat sa kanilang kargamento dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) No. 10863, o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at maging sa EMB Memorandum Circular Order No. 2005-03.
Sa EMB MC 2005-03 ay nakasaad na ang lahat ng importers ng chemicals na may alternatives sa ozone-depleting substances ay kailangang naka-register sa EMB at may PSIC bago pa man makapasok sa bansa ang kanilang chemicals.
Matatandaang binuo ang EPCD bilang pagsunod sa Customs Memorandum Order (CMO) No. 38-2019 na inisyu noong Agusto 6, 2019 kung saan pangunahin nitong tututukan ay ang pagmumonitor at pagkukontrol sa mga papasok sa bansa na hazardous substances at iba pang basura.
117