(Ni Jomar Operario)
Hinigpitan pa ng Bureau of Customs Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang kanilang pagbabantay sa hangganan upang maharang ang mga ilegal na kontrabando na pumapasok sa nasabing paliparan.
Kaugnay nito, si District Collector ng BOC-NAIA Mimel Talusan ay nagpaalala sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) in relation to RA 10863 (The Customs Modernization Tariff Act) ang pag-import at export ng illegal drugs.
Matatandaan, nitong nakaraang Hulyo 26, 2019 muling nakasabat ang Customs-NAIA ng P5.5 milyon halaga ng ecstasy, valium at marijuana sa paliparan.
Ito’y kaalinsunod na rin sa mga alertadong examiners at operatiba ng BOC-NAIA at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kabilang sa nakumpiska ang 1,490 tabletas ng ecstasy; 3,320 tabletas ng valium at 1,850 gramo ng kush weeds/marijuana na may kabuuang halagang P5.5 milyon.
Ang halaga ng ecstasy tablets ay nasa P2.3 milyon na nagmula sa Germany na idineklarang regalo habang ang kush/marijuana naman mula sa USA na idineklarang snacks na tortilla chips na nagkakahalaga naman sa P2.9 milyon.
Nabatid na ang consignees ng dalawang parcels ay mula sa Cavite at San Juan City na kung saan ang may-ari ng kush/marijuana ay nahuli na kamakailan at nasa kustodiya na ngayon ng PDEA.
Samantala, ang P56,000 halaga ng valium tablets na nakatakdang i-export ay para sa 36 consignees ng walong bansa na kinabibilangan ng USA, Australia, Abu Dhabi, Germany, Saudi Arabia, France, Sweden, Spain, United Kingdom at ipinadala sa apat na iba’t ibang shippers mula sa Parañaque at Bulacan.
“BOC NAIA is committed to be always vigilant in protecting the borders from the entry and exit of illicit goods,” ayon kay Talusan.
Sa kasalukuyan, ang Customs-NAIA ay nakapagtala na ng kabuuang 48 drug busts na kung saan nagresulta ito ng pagkakumpiska ng milyun-milyong pisong halaga ng ilegal na droga.
144