(NI Boy Anacta)
Binalaan ng Bureau of Customs (BOC) ang publiko laban sa mga nagpapanggap na tauhan ng BOC para makapanloko sa mga negosyanteng may transaksyon sa Aduana.
Ang babala ay matapos na may mahuling nagpanggap na tauhan ng Customs na umano’y sangkot sa “tara” collection.
Matatandaan na noong Mayo 20, nahuli si Xavier Daniele Gabriel, 19-anyos, residente ng Sampaloc, Maynila na tinawag na “hao shiao”.
Ayon sa report, ang nasabing tao ay nakasuot ng expired dilapidated BOC ID na may bisa hanggang Marso 2019.
Si Gabriel ay naaresto ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Intelligence Group (IG), matapos may makitang halaga ng pera, deposit slips at apat na passbooks sa loob ng envelope at lahat ay nakapangalan kay Rently Tinana, alyas “Empoy”, ng Port of Manila.
Sinabi ng Intelligence Division, si Gabriel ay tumatayong tagahatid ni Mr. Tinana ng cash para sa bank deposits.
Ang pagkakahuli ng suspek ay bahagi ng inisyatibong reporma ng BOC laban sa pagsugpo ng korapsyon sa Customs katuwang ang AFP at Philippine Coast Guard (PCG).
Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tumulong ang AFP at PCG para labanan ang talamak na katiwalian sa Aduana.
144