(Ni Joel O. Amongo)
Pormal nang inilunsad kamakailan ng Bureau of Customs (BOC) ang World Customs Organization (WCO) Cargo Targeting System (CTS) na bahagi pa rin ng 10-Point Priority Program ng ahensya.
Layunin pa rin nitong palakasin ang kahusayan sa kalakalan at maging ang pagtiyak sa seguridad ng hangganan ng bansa.
Ang okasyon ay isinagawa sa Office of the Commissioner (OCOM) conference room, OCOM Building Port of Manila at dinaluhan ng iba’t ibang Deputy Commissioners ng ahensya.
Ang WCO–CTS ay nakapaloob sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa pamamagitan ng nasabing sistema, inoobliga ng BOC ang shipping lines na sumunod sa ‘mandated timelines’ para sa pagsumite ng manifesto sa pamamagitan ng CTS – isang instrumento para sa ‘advanced profiling’ ng shipments bago pa dumating sa Philippine ports gamit ang manifest data na ibinigay.
Umaasa si Intelligence Group (IG) Deputy Commissioner Raniel Ramiro na ang bagong sistema ay magreresulta ng kahusayan ng ahensya partikular sa proseso ng shipments.
Sa mensahe naman ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero, sinabi nitong isang win-win program ang naturang bagong sistema para sa lahat ng ports at Customs stakeholders at pipigil sa ilegal na aktibidad.
Kasabay nito, hiniling ng Customs chief ang suporta at kooperasyon ng port users at Customs stakeholders, kasama na ang maaapektuhan ng bagong sistema maging ang lahat ng mga nagmamalasakit para sa ikabubuti ng ahensya.
194