MISTULANG Koreanovela ang naging takbo ng imbestigasyon hinggil sa pagpatay sa isang Koreano sa Valenzuela City noong Pebrero makaraang ikumpisal ng dalawang suspek na ang mismong biktima ang “mastermind” sa krimen.
Para makakubra umano ng insurance kaya pinapatay ng biktimang si Nam Sunuk ang kanyang sarili, ayon sa ulat ng pulisya.
Dagdag ng pulisya, naging interesante ang imbestigasyong isinasagawa ng isang piling grupo sa pagpatay sa Koreano, nang isiwalat ng mga suspek na sina Kimberly Radores at Rica Estrella sa harap ng abogado, na ang biktima mismo ang nagplano ng krimen.
Ayon sa pulisya, may nakahanda silang “digital” na ebidensya ng mga sinasabing sulatroniko (email) ng biktima sa isa sa mga suspek.
Gayunpaman, binigyang-diin ng pulisya na ang indibidwal na partisipasyon ng mga suspek ay sapat na para para panagutin ang mga ito sa krimen.
Magugunitang binaril at napatay sa likod ng kanyang sports utility vehicle sa Padrigal Extension sa Maysan, Valenzuela City ang biktima noong Pebrero 13 at narekober ang isang .45 kalibreng pistola at isang pulang kotseng ginamit umano sa krimen.
Kinasuhan ng murder ng Valenzuela City Police ang mga suspek na sina Radores, Estrella, Rusty Hernadez Cruz, Josephine Pidlaoan Nape, Leana Marie Nagaño alyas “Yana,” Bryan Saga Gulfo, Bryan Remlona Escamillas, at P/Corporal Darwin Garcia Castillo. (ALAIN AJERO)
182
