NAKATAYA ang integridad ng demokrasya sa bansa sa patuloy na pagkaka-delay sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio at dahil hindi napapanagot ang mga public official sa kanilang mga kasalanan tulad ng paglustay sa kaban ng bayan.
Pahayag ito ni Deputy Majority Leader Jude Acidre matapos ipagpaliban ng Senado ang pagbasa sa 7 article of impeachment laban kay VP Duterte sa June 11 mula sa unang itinakda na June 2 o ngayong araw.
“Hindi naman ito usapin ng pulitika, hindi ito usapin kung sino ang nasasakdal. Ito ay usapin ng integridad ng ating demokrasya. If we keep on postponing the only option available for us to hold public officials accountable . . . siguro ang ating pangamba, anong klaseng demokrasya tayo nagiging,” punto ni Acidre.
Isa sa pangunahing dahilan kung bakit inurong ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero ang pagbasa sa articles of impeachment ay dahil marami pang panukalang batas ang kailangan nilang maipasa sa natitirang 6 na session days ngayong 19th Congress.
Subalit ayon kay Acidre, kung gugustuhin ng liderato ng Senado na ituloy ang paglilitis kay Duterte ay kaya nilang gawin ito.
Ayon naman kay ACT Teacher party-list Representative France Castro, nakakagalit aniya na makita kung paano umano nagiging transactional ang accountability mechanism sa bansa sa dating desisyon ng Senado.
“This exposes that there can be no true accountability for the misuse of public funds by high officials when the accountability mechanism is based on political calculations rather than the actual merits of the case,” ani Castro.
Noong Pebrero 5, hindi agad inaksyunan ng Senado ang impeachment case na isinampa ng Kamara at ngayon aniya ay muling ipinagpaliban ang pagbasa sa article of impeachment laban kay Duterte gayung maliwanag sa Saligang Batas aniya na kailangang tugunan ang ganitong kaso agad-agad.
Isa sa mga ipinapalagay ni Castro na dahilan ay dahil alam ng lahat ng malakas ang ebidensya sa paglustay umano ni VP Duterte sa confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na kanya dating pinamunuan.
“The strong evidence that has come to light against the Vice President after months of House investigation – including the discovery of fictitious names and suspicious receipts in confidential fund disbursements – is being completely disregarded,” ayon pa kay Castro.
(BERNARD TAGUINOD)
