INTERNET CONNECTIVITY, UUNLAD SA ILALIM NI PBBM

LUBHANG nabago ang ating pamumuhay dahil sa mabilis na pag-unlad ng internet connectivity sa ating bansa. Lalo na noong panahon ng pandemya na dumepende ang mamamayan at mga negosyo sa benepisyo ng internet connection.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng demand sa internet connectivity, tinatayang nagkakahalaga na ng $7.5 bilyon ang internet economy ng Pilipinas, base sa pag-aaral ng Alpha Beta, isang strategic economics consultancy company. Ayon pa rito, inaasahan pang tataas mula 30 porsyento hanggang $28 bilyon sa taong 2025.

Sa kasagsagan ng pan­demyang dulot ng ­COVID-19, lalong lumaki ang pangangailangan na matugunan ng pamahalaan at ng pribadong sektor ang demand para sa mas maayos na serbisyo ng internet. Ito ang nagtulak sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang isabatas ang common tower policy na naglalayong paigtingin ang ICT services sa ating bansa.

Sa ilalim ng common tower policy, inalis na sa telecommunications service provider ang responsibilidad ng pagtatayo ng mga tower infrastructure, sa halip ay sa mga kompanya na nasa negosyo ng pagtatayo ng mga common tower. Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mapagtutuunan ng mga telco provider ang pagbibigay ng mas maayos na serbisyo ng internet sa kanilang mga customer.

Isa sa mga kompanya na tumugon sa inisyatibang ito ay ang Meralco Industrial Engineering Services Corporation (MIESCOR), subsidiary ng Manila Electric Company. Noong taong 2021, nakipagsosyo ang MIESCOR sa Stonepeak, isang global infrastructure investor na base sa Estados Unidos, upang lumahok sa pagtatayo ng mga tower infrastructure sa Asia Pacific region.

Kamakailan lang, itinatag ng dalawa ang joint venture ­company na MIESCOR Infrastructure Development Corp. (MIDC) na lumagda sa isang tower sale at leaseback agreement, kasama ang Globe, sa halagang P26.2 bilyon.

Sakop ng naturang deal ang pagbili ng MIDC sa 2,180 na tower ng Globe at ng mga passive telco infrastructure nito, na itinuturing na isa sa mga kritikal na milestone ng MIDC sa pagpasok nito sa telco business.

Sa ilalim din ng nasabing agreement, magiging anchor tenant ng mga biniling common tower ang Globe sa halagang P100,000 kada buwan sa loob ng 15 taon. Nangako rin ang Globe na magtatayo ito ng 750 karagdagang tower sa loob ng apat na taon.

Ayon kay MIDC Chairman Atty. Ray C. Espinosa, makikilahok pa sa mas maraming oportunidad sa telco tower ang MIDC upang makamit ang hangarin nitong maging isa sa mga pinaka-pinagkakatiwalaang telco tower operator sa Pilipinas, bukod pa sa hangarin nitong maging isa sa mga mangunguna sa digital infrastructure business.

Ang partnership na ito ay magdudulot ng malaking benepisyo para sa ating mga karaniwang konsyumer at sa mga negosyo, dahil sa hatid nitong mas maayos na internet connectivity at mas matatag na imprastraktura na kakayaning maka-recover mula sa mga bagyo o ano mang kalamidad na madalas makaapekto sa serbisyo ng internet.

Higit sa lahat, magiging susi ito sa hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng universal connectivity at mas malawak na infrastructure development para sa pagpapaunlad ng ekonomiya na higit na naapektuhan ng pandemya.

176

Related posts

Leave a Comment