MISTULANG isinisi sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagkamatay ng mga isda sa Manila Bay matapos magpahayag ang militanteng grupo na hindi na nila ito ipinagtaka dahil imbes na sumunod ahensya sa mandamus ng Korte Suprema na linisin ang karagatan ay dolomite ang pinagkaabalahan ng mga ito.
Ginawa ni dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao ang pahayag matapos maglutangan ang mga patay na isda sa Baseco na indikasyon na nagkaroon ng fishkill habang abala ang DENR sa pagpapa-beauty sa Manila Bay sa pamamagitan ng inilalatag na dinurog na dolomite rock na tinagurian ngayong white sand.
Ayon kay Casilao, malinaw sa kautusan ng Korte Suprema na ibalik ang marine life sa Manila kaya kailangan magkaroon ng rehabilitasyon sa pakikipagtulungan ng mga ahensya ng gobyerno at mga Local Government Unit (LGUs) na nakapaligid sa nasabing karagatan tulad ng Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, Bulacan, Pampanga at Bataan.
Kailangan aniyang malinis sa polusyon ang Manila Bay subalit imbes na ito ang pagkaabalahan ng DENR ay ang pagtatambak ng dolomite sa isang bahagi ng karagatan ang kanilang inuna.
“It is clear that the DENR failed to prevent the latest fish kill and it was busy with the dolomite. This is another incompetence of supposedly enforcing the Supreme Court mandamus to improve and restore marine life,” ani Casilao.
DAHIL SA DOLOMITE
May kutob din ang mambabatas na posibleng ang itinambak na dolomite ang isa sa mga dahilan ng fishkill.
“We can’t even label it as sand, as it is actually crushed boulders of dolomite, processed to make it appear like white sand. Amid no adequate scientific study, the DENR, who is supposed to be the lead in the Manila Bay rehabilitation, contaminated the bay with a foreign rock-forming mineral,” ani Casilao.
Kasabay nito, sinabi ng dating mambabatas na ngayong sunod-sunod na ang bagyong dumarating sa bansa, malamang na tuluyang maglaho ang mga itinambak na dolomite sa Manila Bay.
Naniniwala ang mambabatas na kung anomang natitirang tiwala ng mamamayan kay Pangulong Duterte ay posibleng maaanod din kasabay ng dolomite kapag nagkaroon ng malakas na bagyo at umapaw ang Manila Bay.
SABOTAHE?
Sa kabilang dako, pinag-iingat ng Malakanyang ang taumbayan sa mga desperado umanong kalaban ng pamahalaan.
Ito’y matapos maglutangan ang mga patay na isda sa Manila Bay habang inilalatag at pinapatag ang artificial white sand sa nasabing lugar.
“Ang nakapagtataka nga, bakit ang tilapia, freshwater fish iyon nakarating sa Manila Bay. Parang imposible naman iyon ‘no dahil hindi po mabubuhay ang tilapia sa saltwater,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
“So, ingat-ingat lang po tayo sa panahon ngayon desperado po ang kalaban ng gobyerno, lahat po ginagawa para siraan si Presidente (Rodrigo Roa) Duterte,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Sa kabilang dako, wala namang ideya si Sec. Roque kung may nangyayaring pananabotahe para sirain ang white sand project ng DENR.
“Well, hindi ko po alam kung mayroon ngang sabotahe, pinag-aaralan pa po iyan,” giit ni Sec. Roque.
Sa ulat, sinabi ni DENR Usec. Benny Antiporda na hindi nila inaalis ang posibilidad na may pananabotahe sa nangyaring fish kill kaya’t agad nilang isasagawa ang check water quality sa tubig ng Manila Bay kung saan natagpuan ang mga patay na isda.
“Check water quality first (ng tubig sa Manila Bay),” ani Usec Antiporda.
Sinabi pa ni Usec. Antiporda na nitong nakalipas na taon nagkaroon na rin ng fish kill sa paligid ng Manila Bay kung kaya’t mahigpit nilang iimbestigahan kung may kinalaman nga sa dolomite ang kasalukuyang fish kill.
Batay pa sa DENR, kabilang sa iimbestigahan ng ahensya na dahilan ang dissolve oxygen at water level ng Manila Bay at maaaring hindi ang isyu ng dolomite. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
