Inupakan ni PDuterte sa pagiging ‘incompetent’ LENI, ‘DI TAPAT AT SINUNGALING

(CHRISTIAN DALE)
TINAWAG ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Vice President Leni Robredo na isang “sinungaling” nang hanapin siya nito pagkatapos manalasa ang Bagyong Ulysses.

Sa public address ni Pangulong Duterte Martes ng gabi, inupakan nito si Robredo ng “misleading the public” dahil inakusahan daw siya na “missing in action” sa panahon ng pananalasa ng bagyo.

“I would like to just give a caution to the vice president. She made a blunder, a big one, and she practically lied, making her incapable of truth,” ayon sa pangulo.

“Alam mo, ‘yung pakana niya na wala ako sa bagyo. I was here, dito. I was attending a summit, ASEAN Summit ‘yun, so virtual lang, palit-palit kami. We were talking electronic. Nandito ako noon.

Kasagsagan ng bagyo, dumaan diyan sa labas, nag-uusap kami dito,” dagdag na pahayag ni Pangulong Duterte.

Itinanggi rin ng pangulo na natutulog siya habang nagdurusa ang mamamayan sa panahon ng pananalasa ng bagyo.

 

Dedma sa militar

Kasabay nito, tila ipinamukha ni Pangulong Duterte kay Robredo na hindi siya pakikinggan ng militar sa panahon ng emergency dahil wala siya sa “line of authority.”

“Alam mo yang mga military officers, hindi ‘yan maniwala sa iyo. Because tama sila you are not in the line of authority. Wala kang ano. In times of emergency, ako lang at military,” ayon kay Pangulong Duterte.

Paglilinaw ng pangulo, matagal nang naka-preposition ang mga militar at pulis matapos makatanggap ng kautusan mula sa kanya bago pa manalasa ang bagyo sa bansa.

“Hindi mo na kailangan orderin ‘yan sila kasi two days before, deployed na yan sila doon po. Nasa bodega na yan sa mga gobyerno. Naka-deploy na ‘yan, pati na nga yung sa Davao, yung security ko kinuha, dinala dito in anticipation. Sunod-sunod kasi,” diing pahayag ng punong ehekutibo.

Ayon pa kay Duterte, inuutusan ni Robredo ang militar sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong “Ulysses.”

Patutsada pa niya, “You are presuming that I should be giving orders on the day of the storm. That is stupid… That is why you cannot be president. Mahina ka. You do not give orders on the day of the war, patay ka.”

 

“This is your nightmare”

Binalaan din ni Pangulong Duterte si Robredo na kapag tumakbo itong pangulo sa 2022 election ay marami siyang ibubunyag dito.

“Marami ako sabihin sa’yo. Reserba ko na lang. When you start your campaign, ‘waswasan’ kita. This is your nightmare,” banta ni Duterte na matatapos ang termino sa June 2022.

Kasabay nito, pinasaringan ng pangulo si Robredo kung nasaan ito tuwing gabi at saang bahay ito umuuwi.

Itinuro ni Duterte na si Robredo ang nagpasimula ng #NasaanAngPangulo, na nag-trending din noong bagyong “Rolly.”

Ayon sa pangulo ay mino-monitor niya ang sitwasyon sa epekto ng bagyo kahit dumadalo siya sa ASEAN Summit.

“I would go and whisper to the military guys in the room, how was it developing and what was the reaction of our government people there and the resources?” aniya.

Biyernes ng gabi nang manalasa ang Bagyong Ulysses na nagdulot ng malawakang baha sa bahaging Luzon.

 

#NasaanAngPangulo

Unang lumutang sa social media ang #NasaanAngPangulo noong si Benigno Cojuangco Aquino III ang pangulo.

Oposisyon ang nagwasiwas ng nasabing hashtag.

Ayon sa sources, ideya ng isang public relations expert na “Joyce” ang pangalan ang #NasaanAngPangulo.

Unang ginamit ng oposisyon ang nasabing hashtag laban kay Aquino noong binayo ng super bagyong “Yolanda” ang Leyte at mga kalapit na lalawigan noong 2013.

Sa muling paglantad at pagwawasiwas ng #NasaanAngPangulo, binira ni Roque ang oposisyon.

Nangangahulugang kumbinsido ang administrasyong Duterte na ipinanghataw ng oposisyon ang #NasaanAngPangulo laban kay Duterte bilang bahagi ng eleksyong 2022.

286

Related posts

Leave a Comment