BINATIKOS ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa kakayahan nilang tugunan ang paglala ng cybercrimes sa ginanap na deliberasyon ng Senado hinggil sa 2021 budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ipinarating ni Revilla kay PNP Chief Police General Camilo Cascolan ang nakababahalang patuloy na pagdami ng mga insidente ng hacking, online falsities, online violence, at online scams nitong nagdaang huling anim na buwan dahil sa dami ng nakababad online bunga ng COVID-19 pandemic.
“Napakarami ngayong nabibiktima ng mga online selling scams. Napakaseryoso nito dahil involved dito ang identity theft kung saan ninanakaw ng mga bogus seller ang identity ng ibang tao para makipag-transact, tapos maglalaho na lang at iba ang mapagbibintangan,” paliwanag ni Revilla.
“Nandiyan din ‘yung pagdating sa’yo ng binili mo, iba kaysa sa binili mo, at ‘yung iba nga, bato ang laman ng kahon, katulad na lang nitong si Arthur Baylon,” dagdag pa nito.
Si Baylon ay isang third-year college student na nag-ipon ng pambili ng laptop para sa kaniyang pag-aaral sa pamamagitan ng pangingisda kasama ang kanyang ama. Sa halip na laptop na kaniyang binili online, ang dumating sa kanya ay tatlong bato na nakakahon.
“Mabuti at isinoli ng seller ang pera niya matapos siyang magsampa ng reklamo sa pulis. Nakausap ko itong bata, at umaasa ako na matutunton ng pulisya ang gumawa ng kalokohan.
Isa lang siya sa maraming biktima ng mga kawatan, kaya dapat magpursige ang mga pulis at kami sa Senado ay nakahandang magbigay ng suporta,” pahayag pa ni Revilla. (NOEL ABUEL)
338
