NAMATAY si Dr. Romeo Gregorio “Greg” Macasaet III nitong Marso 22 dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) habang walang tigil sa pag-aasikaso sa mga taong itinakbo sa Manila Doctors Hospital (MDH) sa Maynila makaraang magkaroon ng nabanggit na sakit.
Pati ang asawa niyang si Dr. Evalyn Macasaet ay nagkaroon din ng COVID-19, ngunit hindi kasing tindi ng sinapit ni Greg.
Nang ipasok sa kuwarto ng MDH si Greg upang lagyan ng tubo sa katawan para makahinga nang maayos dahil maliban sa pneumonia ay nahihirapan din siyang humina hindi man lang nasilayan ni Evalyn ang kanyang asawa sa mga oras na iyon, sapagkat maging siya ay ipinasok na rin sa isang kuwarto upang isailalim sa quarantine dahil mayroon na rin siyang COVID-19.
Nang mabalitaan niyang namatay ang kanyang asawa, sigurado akong hindi nadalaw at nakita ni Evalyn ang pinakamamahal niyang. kabiyak.
Tiyak ang anak nilang si Raymond, kasama ang mga malapit na kamag-anak, ay sobra-sobra ang pagdadalamhati.
Hindi ko kakilala si Dr. Evalyn Macasaet o kahit sinuman sa kanyang pamilya ngunit nakikiramay ako nang lubos sa pagkamatay ng kanyang asawang kapareho niyang “frontliner” na humarap at nag-asikaso sa mga pasyenteng dinala sa MDH.
Totoong makatatanggap si Dr. Evalyn ng P100,000 dahil sa sinapit niya at isang milyon para naman sa pagpanaw ni Dr. Greg, alinsunod sa itinakda at ipinag-uutos ng bagong batas na “Bayanihan to Heal as One”.
Ngunit, ang higit na mahalaga para sa kanya at anak nilang si Raymond ay makaligtas at tuluyang gumaling si Dr. Evalyn.
Kaya, panawagan ko sa mga makababasa ng kolum na ito ay ipanalangin natin na makaligtas at gumaling si Dr. Evalyn Macasaet mula sa COVID-19 upang huwag nang mabawasan pa ang frontliner laban sa COVID-19 at para na rin sa nag-iisang anak nila ni Dr. Greg.
Maliban sa suportang pinansiyal, kailangan ni Raymond ng pagmamahal – pagmamahal ng magulang – bawat oras at araw.
Kaya nawa’y gumaling si Dr. Evalyn para sa kanyang supling na si Raymond.
Hindi mahalaga kung hindi natin kilala si Dr. Evalyn, sapagkat ang higit na mahalaga ay nalaman na nating isa siya sa mga doktor na tapat, totoo at seryosong nilalabanan at sinusugpo ang COVID-19.
Kaya, nararapat lang siyang makaligtas mula sa COVID-19 tulad ng iba pang manggagamot, nars at kapwa nila frontliners.
SAMANTALAHIN ko lang ang pagkakataong ito.
Nanawagan po ako sa mga bilyonaryong negosyante, mga milyonaryo, mga civic organization, TV networks at ibang organisasyon at indibiwal na bumili kayo ng mga face masks/surgical masks, at iba pang personal protective equipment (PPE) na gagamitin ng mga doktor, nars at lahat ng health workers na direktang hinaharap at sinusugpo ang COVID-19 sa mga Filipino na nagkaroon ng bakteryang ito.
Kapag nakabili kayo, direktang dalhin ninyo sa mga pagamutang ginagamit ngayon sa COVID-19 sa iba’t ibang bahagi ng bansa, hindi lang sa National Capital Region (NCR) kung saan
napakaraming taong nagkaroon ng nabanggit na sakit.
Nagpapasalamat po ako sa inyo.
Mabuhay kayo!
