Ipinagkanulo ng aroma ng marijuana SINITA SA TRAFFIC VIOLATION BUKING SA PARTY DRUGS

ARESTADO ang isang 23-anyos na binata makaraang malanghap na amoy marijuana ng sumitang miyembro ng Manila Traffic Enforcement Unit na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na nakumpiskahan din ng party drugs na ecstasy sa Ermita, Manila.

Ayon sa ulat, nang sitahin ng traffic enforcer si Juan Miguel Tan y Villanueva, residente ng #437 Pacheco Ext., Tondo, dahil sa traffic violation, naamoy nito ang halimuyak ng marijuana ngunit pinasibad ng suspek ang minamanehong asul na Honda Jazz na may plakang (AAW-4321) bandang alas-8:30 ng umaga sa Roxas Boulevard at Katigbak St., Ermita, Manila,

Bunsod nito, agad na rumadyo si P/Cpl. Marphil Canlas sa kanyang mother unit at nang magresponde ang mga awtoridad ay mabilis na ipinagbigay-alam sa MPD-Station 5, Station 8 at Station 14 na sakop ang mga lugar na posibleng daanan ng suspek.

Habang binabaybay naman ng isang miyembro ng Philippine Coast Guard na si LTSG Mike Jayson De Torres, ang westbound lane sa Pascual Casal St. ay namataan nito ang timbradong sasakyan ng suspek kaya agad nitong hinarang hanggang sa mamataan nina P/EMS Ariel Cagata at P/Cpl. Canlas kapwa miyembro ng Manila Traffic Enforcement Unit, na agad na pumigil sa suspek sa tulay ng Ayala sakop ng Solano St. sa San Miguel, Manila.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, nabatid na amoy alak din ang suspek at nang siyasatin ang sasakyan ay nakarekober ng ecstasy tablets at ilang sachet ng high grade marijuana (Kush).

Bukod sa nasabing ilegal na droga, nakumpiska rin sa suspek ang PP80,500 cash.

Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya upang mabatid kung si Tan ay tulak ng ilegal na droga. (RENE CRISOSTOMO)

146

Related posts

Leave a Comment