HINDI ko alam kung bakit hinahayaan ng gobyerno ang mga Chinese contractor na mga kapwa nila Chinese ang pinagtatrabaho sa mga proyektong ginagawa nila sa ating bansa.
Milyon-milyong Filipino ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya ng covid-19 na nagsimula sa China.
Hindi lang dito sa ating bansa maraming nawalan ng trabaho kundi ang mga kababayan natin na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Pero ang binibigyan ng trabaho sa mga malalaking proyekto ay ang mga Chinese nationals at hindi ang mga Filipino.
Bakit ganun? Akala ko ba kaya pinaparami ang construction activities para magkaroon ng trabaho ang mga Filipino?
Marami tayong natatanggap na report na 45% sa mga trabahador sa mga proyektong ginagawa ng mga Chinese contractor ay mga Chinese nationals na ipinapalabas na mga technical employees.
Napakarami namang technical expert na ‘yan. Ang Japan na may mga proyektong ginagawa din sa ating bansa at nagdadalala talaga sila ng mga sariling tauhan pero hindi ganyan karami.
Inaagawan ng mga Chinese nationals ang mga Filipino ng trabaho sa sariling bansa kaya paano natin masasabi na ang mga proyektong ginagawa nila ay para sa mga Filipino kung sila ang unang makikinabang?
Inaagawan na tayo ng yaman sa West Philippine Sea (WPS), inaagawan pa nila tayo ng trabaho sa ating bansa? Bakit hinahayaan ito ng ating gobyerno? Ano ba talaga ang usapan nila sa China?
Baka ang mga mabibigat na trabaho ay ibinibigay sa mga Filipino pero ang magagaan ay inilalaan ng mga Chinese contractor sa kanilang mga kababayan.
May mga balita rin tayo na ang sahod daw ng mga Chinese technical experts ay anim na beses ang laki ng sahod kumpara sa mga Filipino na kinukuha nila kaya dehadong-dehado ang mga kababayan natin.
Mantakin mo 1,000 Yuan o P70,000 ang sahod ng isang Chinese workers samantalang ang mga Filipino ay minimum wage lang o higit P16,000 lamang ang suweldo. Saan ang hustisya?
Baka hindi pa nga nagbabayad ang mga iyan sa buwis eh tulad ng mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa mga POGOhan na patuloy pa rin ang operasyon kahit panahon ng pandemya.
Hindi ko matanggap na mas magaling ang mga Chinese nationals pagdating sa trabaho dahil ang mga employer sa ibang bansa tulad ng Saudi Arabia ay prayoridad nila ang mga Filipino pagdating sa construction.
Mas magaling at masinop ang mga Filipino sa pagtatrabaho kaya paborito silang kunin ng mga employers sa ibang bansa pero pagdating sa sarili nating bayan, hindi sila prayoridad?
Kung talagang nais ng gobyerno na magkaroon ng trabaho ang mga nawalan ng kayod sa pandemya sa covid-19, paalisin ang mga Chinese nationals sa mga construction projects at ibigay ang trabaho sa mga Filipino.
Sa ganitong panahon, kailangang unahin muna natin ang sarili natin bago ang ibang bansa. Tulungan muna ang mga kababayan natin bago ang ibang lahi lalo na yung nagpahirap sa atin.
158 