PABOR si Senador Christopher Bong Go na ang Department of Finance (DOF) sa halip na ang Department of Health (DOH) ang mamuno sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sa pagdinig ng Senado, kinilala ni Go ang mga nagawa ni Health Secretary Francisco Duque III pero binanggit nitong suportado niya ang Senate Bill no. 1829 na nag-aatas sa kalihim ng DOF bilang chairman ng PhilHealth.
Ayon kay Go, bagama’t ginagawa naman ni Duque ang lahat para matugunan ang COVID-19 pandemic bilang miyembro ng IATF na may mabigat na responsibilidad ngayong hinaharap ng bansa ang pandemic ay dapat na mawala na ang trabaho nito sa PhilHealth.
Isinulong ni Go, chairman ng Senate Committee on Health ang reporma at mas responsive na healtcare system sa PhilHealth.
Kaugnay nito, hinimok ng senador na ngayong nahaharap sa health crisis ang bansa, mahalagang magtulungan ang lahat para maisaayos ang serbisyo para sa tao.
Aminado si Go na hindi ito ang unang pagkakataon na nasasangkot sa kontrobersiya ng pondo ang PhilHealth kaya napapanahon na aniya para pumasok sa eksena ang DOF kasabay ng paliwanag na ang PhilHealth ay isang insurance corporation kaya mas makabubuting pangunahan ng kalihim ng Finance ang board nito.
Dahil sa expertise aniya sa pera ng DOF secretary ay malaki ang maitutulong para mabantayan ang bawat piso sa pondo ng ahensiya na pinagpaguran ng mga nagko-contribute na miyembro.
Hinamon naman ni Go si Secretary Carlos Dominguez na protektahan ang interest ng publiko at tiyakin na maayos na nagagamit ang pondo ng ahensiya.
Tiniyak din nito na handa sila ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumulong para maipakulong ang mga corrupt official ng PhilHealth. (NOEL ABUEL)
167 