Irerekomenda ng Senado 632 KASO IPASASAMPA VS DUQUE

TINIYAK ni Senate President Vicente Sotto III na mahaharap si Health Secretary Francisco Duque III sa aabot sa 632 kasong negligence na nakatakda sa Article 217 ng Revised Penal Code hinggil sa maanomalyang pagpapalabas ng mahigit P14.8 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Sotto na hindi puwedeng gamiting excuse ni Duque na wala naman siyang pinirmahan na dokumento o sangkot sa pagpapalabas ng pondo bilang chairman ng PhilHealth board dahil wala siyang kapangyarihang bumoto.

“Hindi pwedeng excuse yun pag ginamit mong excuse yun, you are pleading guilty to the Revised Penal Code Article 217 dahil negligence. Hindi pwede. I think they better come up with a better excuse, hindi excuse yun. Imposible unless ipipilit mo nga na hindi mo alam, then you are pleading guilty to 217.

Negligent ka,” ayon kay Sotto.

Kamakailan, ikinatwiran ni Duque na wala siyang legal na pananagutan sa pagpapalabas ng P14.8 bilyong pondo dahil wala siyang kapangyarihang bumoto sa mga desisyon ng board sa pangunguna ni dating PhilHealth President at CEO Ricardo Morales.

Ngunit, sinabi ni Sotto na bilang chairman ng board, alam ni Duque ang galaw ng PhilHealth dahil siya ang presiding officer kaya’t mali ang katuwiran na wala siyang kasong kapabayaan.

Samantala, sinabi pa ni Sotto na kanyang inaasahan na walang maaalis na probisyon sa committee report ng Senate Committee of the Whole na nagrekomenda sa pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo kina Duque, Morales at ilan pang opisyal at empleyado ng PhilHealth na sangkot sa anomalya.

Inaasahan din ni Sotto na pagtitibayin ng Senado sa plenaryo ang kanyang committee report nang walang bawas kundi may mga idinagdag na probisyon upang lalong tumibay at luminis ang PhilHealth. (ESTONG REYES)

228

Related posts

Leave a Comment