Isama na pati pamilya – Cong. Tulfo KAYAMANAN, NEGOSYO NG PUBLIC OFFICIALS IDEKLARA

DAPAT ideklara ng lahat ng opisyal ng gobyerno, appointed man o elected, ang lahat ng kayamanan nila at mga negosyo ng kanyang pamilya para maging “transparent” ang kanilang pagseserbisyo sa pamahalaan at mga Pilipino.

Ito ang pahayag ni ACT-CIS Party-list Representative at kandidato ng “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas” sa pagka-Senador Erwin Tulfo, nang tanungin sa isang press conference hinggil sa kung papaano matitiyak ng taumbayan na malinis at walang bahid ng korupsyon ang isang nakaupong opisyal.

“Dapat ideklara ng bawat opisyal sa gobyerno kung saan nanggaling ang kanilang yaman at kung sakaling lumaki ito, ano ang dahilan bakit lumaki ang kayamanan nito habang nasa puwesto,” ani Cong. Tulfo.

Ayon pa sa mambabatas, “dapat ideklara ng mga opisyal kung saan nanggaling ang pinambili ng mansyon o mamahaling sasakyan, maging ng mga simpleng gamit tulad ng mga alahas.”

Nais din ng kinatawan ng ACT-CIS Party-list na pati ang mga naitayong negosyo ng pamilya ng opisyal ay ideklara at ipaliwanag kung saan nanggaling ang kapital para sa mga ito.

“Napakahalagang ideklara at ipaliwanag kung saan galing ang pampuhunan lalo na kung milyon ang halaga, bilang bahagi ng ‘transparency’ sa taumbayan,” dagdag pa ni Tulfo.

“Kung hindi maipaliwanag ng isang public official kung saan galing ang pagdami ng pera at kayamanan habang nakaupo, red flag ‘yun at dapat imbestigahan ng Ombudsman,” pahabol ni Tulfo.

Pagdidiin ng kandidato sa pagka-Senador, kasali sa dapat magdeklara ang lahat ng lingkod-bayan sa lahat ng sangay ng pamahalaan–mula sa mga Barangay Officials hanggang sa mga mambabatas at Pangulo, kabilang na rin ang mga miyembro ng kapulisan at militar, mga miyembro ng gabinete, at mga mahistrado.

35

Related posts

Leave a Comment