PEKENG SURVEY NG ‘SOCIAL PULSE PHILIPPINES’ INIIMBESTIGAHAN – PRAMA

IBINUNYAG ng Philippine Research and Marketing Association Inc. (PRAMA) ang operasyon ng isang survey group na Social Pulse Philippines, na kasalukuyang iniimbestigahan sa mga huwad na survey results para sa darating na halalan.

Ayon kay Anton Salvador, kinatawan ng PRAMA, nagpakilala ang naturang grupo bilang isang lehitimong survey firm at ginamit ang social media upang impluwensyahan ang opinyon ng publiko. Gayunman, nabunyag na wala silang rehistradong negosyo at ang kanilang Facebook page ay nilikha lamang noong Enero 2025—isang malinaw na indikasyon ng kanilang kahina-hinalang operasyon.

Sa masusing pagsisiyasat, nadiskubreng walang opisina ang Social Pulse Philippines sa Eco Tower, 32nd Avenue, Fort Bonifacio, BGC, Taguig City, sa kabila ng kanilang pag-aangkin na ito ang kanilang opisyal na address. Bukod pa rito, natunton ng mga imbestigador na may kaugnayan ang grupong ito sa isa pang kahina-hinalang entidad, ang Hypothesis Philippines, na dating nag-ooperate sa Cavite City gamit ang kaparehong modus sa mga kandidato at botante sa panahon ng eleksyon.

“Isa itong malinaw na kaso ng panlilinlang sa mga botante,” diin ni Salvador. “Nagpapanggap silang eksperto sa survey, naglalabas ng minanipulang resulta, at lumilikha ng ilusyon ng suporta mula sa publiko—isang estratehiya upang dayain ang mga botante at kandidato sa darating na halalan sa 2025.”

Hinimok ng PRAMA ang Commission on Elections (Comelec) sa pangunguna ni Chairman George Garcia, pati na rin ang mga awtoridad, na agarang tugisin at papanagutin ang nasa likod ng pekeng survey operations na ito. Binigyang-diin ni Salvador na mapanganib ang pagpapakalat ng mga peke at minanipulang datos sa social media, lalo na sa isang panahong mataas ang tensyon sa pulitika.

“Walang rehistradong statistician, walang opisyal na tagapagsalita, at walang maayos na metodolohiya—lahat ng ito ay patunay na peke ang kanilang survey,” giit ni Salvador.

“Kapag ang ganitong klase ng panlilinlang ay lumaganap sa social media, hindi lang nito binabaluktot ang opinyon ng publiko kundi nilalabag din nito ang integridad ng ating demokratikong proseso.”

Habang papalapit ang Halalan 2025, puspusan ang pagsisikap ng mga awtoridad na supilin ang mga mapanlinlang na grupo na ginagamit ang social media upang impluwensyahan at linlangin ang publiko. Sa gitna ng patuloy na imbestigasyon, tiniyak ng PRAMA na hindi sila titigil sa pagsisiwalat at pagsugpo sa mga pekeng survey firm na nagnanais sirain ang tunay na tinig ng mamamayang Pilipino.

65

Related posts

Leave a Comment