COTABATO CITY – Ipinatupad simula kahapon ni Cotabato City Mayor Cynthia Guiani Sayadi sa pamamagitan ng rekomendasyon ng IATF na isailalim sa lockdown ang buong barangay ng Poblacion 6.
Ito ay dahil marami ang nagpakita ng sintomas ng COVID-19 sa naturang lugar, partikular sa old market area.
Kaugnay nito, isang 52 taong gulang na lalaki ang kauna-unahang binawian ng buhay sa Cotabato city dahil sa COVID-19 noong Martes, Sept. 8.
Nasawi ang pasyente dahil sa acute respiratory distress syndrome secondary to severe pneumonia secondary to COVID-19 at iba pang co-morbidities, ayon kay Cotabato City Health chief Dr. Meyasser Patadon.
SA BANGSAMORO Region, sampu ang panibagong kaso na naitala ng Ministry of Health, iniulat nitong gabi ng Miyerkoles.
Naitala ng Department of Health sa Region ang 37 bagong kaso ng COVID-19.
Dahil dito, abot na ngayon sa 714 ang total confirmed cases sa rehiyon.
Sa 37 bagong kaso, isa ang mula sa Cotabato City, 22 mula South Cotabato.
Pito naman ang gumaling na kinabibilangan ng tatlo mula South Cotabato, dalawa mula North Cotabato, isa mula Sultan Kudarat at isa mula Cotabato City.
Sa kabuuan, umaabot na sa 749 ang total confirmed cases sa Bangsamoro region.
Isa naman ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi na sa kabuuan ay meron nang 22 fatalities.
Meron namang 44 ang gumaling.
Samantala, isa pang opisyal sa Bangsamoro Region ang nagpositibo sa COVID-19. Sa kanyang public statement, inamin ni Bangsamoro Transition Authority Member of Parliament Dr. Marjanie Mimbantas Macasalong na siya ay nakaramdam ng sintomas ng sakit noong Sabado. Dahil dito, siya ay nag-self isolate at nagpa-swab test.
Lumabas ang resulta na siya ay positibo, nitong Miyerkoles.
Pinayuhan ni Macasalong ang lahat ng mga taong kanyang nakasalamuha na mag-self quarantine at kung kailangan ay magpa-swab test.
Nasa stable condition naman ang mambabatas. Nauna rito, si BARMM health Minister Safrullah Dipatuan ay nagpositibo rin at nagpapagaling na ngayon. (BONG PAULO)
