Sa loob ng 20 taon, sama-sama nating pinatunayan na ang mga pangil ng psoriasis ay hindi kayang talunin ang tibay ng Pilipinong spirit. Dalawampung taon na simula nang magsama-sama ang ating komunidad. Ngayong 2025, ipinagdiriwang natin ang 20th Anniversary ng Psoriasis Philippines (PsorPhil)! Inaanyayahan ka naming maging bahagi ng aming pinakamalaki at pinakamakabuluhang pagdiriwang sa Linggo, ika-26 ng Oktubre, 2025, sabay sa pandaigdigang temang: “Psoriatic Disease and Comorbidities: The Domino Effect.”
Psoriatic Disease: Isang Laban na Kasama ang Pamilya.
Ang Psoriatic Disease ay isang seryosong autoimmune condition. Ito ay hindi lamang makati at masakit, kundi nagdudulot din ng mga patches sa balat at kasukasuan. Pero ang pinakamabigat na dala nito ay ang emotional na hirap: ang panghuhusga, ang pang-iwas ng ibang tao, at ang pakiramdam ng pag-iisa.
Narito ang mahalagang katotohanan: hindi lamang isang tao ang nagtitiis. Apektado ang buong pamilya. Tinatayang 2 milyong Pilipino ang may psoriatic disease, ngunit milyon-milyon pa ang kanilang mga mahal sa buhay—ang mga magulang, anak, kapatid, at asawa—na nakikibaka rin sa tabi nila, umaagapay sa hirap, at patuloy na nagmamahal. Ito ay laban ng buong pamilyang Pilipino.
Higit Pa sa Balat: Ipagtanggol ang Iyong Kalusugan
Mahalagang maunawaan na ito ay higit pa sa sakit sa balat; ang pamamaga sa katawan ay maaaring mag-trigger ng iba pang seryosong karamdaman, tulad ng:
• Sakit sa Puso
• Type 2 Diabetes
• Psoriatic Arthritis (PsA)
• Mga Hamon sa Mental Health
Ngunit hindi ka nag-iisa. Sa pamamagitan ng tamang kaalaman at suporta ng komunidad, mapipigilan natin ang “domino effect” na ito. Magkakasama, patuloy nating wawakasan ang stigma.
Isang Araw ng Pag-kakaisa, Saya, at Pag-asa
Handa ka na ba para sa isang makabuluhang pagtitipon? Mula 6:00 NG UMAGA hanggang 12:00 NG TANGHALI, maghanda para sa:
• Makabuluhang fun walk sa baybayin ng Roxas Boulevard.
• Programang puno ng inspirasyon at kaalaman kasama ang mga eksperto at kapwa pasyente.
• Mga activities para makilala at makipag-ugnayan sa daan-daang kapwa
pasyente at pamilya.
Ang eksaktong venue para sa fun walk at program ay iaanunsyo sa aming official social media pages at channels. Abangan at huwag palampasin!
Huwag palampasin ang makasaysayang pagdiriwang na ito! Samahan n’yo kami—mga pasyente at pamilya—sa paggunita sa 20 taon ng pagmamahal at pagtanggap, at sa pagbibigay ng pag-asa sa isa’t isa. Sama-sama tayong titindig para sa awareness, para sa pagtanggap, at para sa mas magandang bukas para sa lahat. Kita-kits!
Tungkol sa Psoriasis Philippines (PsorPhil):
Itinatag noong 2005, ang PsorPhil ay kauna-unahang patient-led organization sa bansa na nagsusulong ng awareness, access to care, at suporta para sa mga may psoriatic disease. Noong 2014, naging mahalagang bahagi ang PsorPhil sa pagkakapasa ng Psoriasis Resolution sa World Health Assembly.
