NANAWAGAN ng people power si Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga para patalsikin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na aniya’y hindi nagsisilbi sa taumbayan kundi sa pamilya at mga kaalyado lamang nito sa pulitika.
“My fellow citizen, President Marcos no longer serve the interest of the Filipino people but rather the interest of his family and his political allies,” saad ng bagitong mambabatas na anak ng yumaong congressman Elpidio “Pidi” Barzaga Jr., sa kanyang social media page.
Ayon pa sa mambabatas, sa tatlong taong pamumuno ni Marcos sa bansa, hindi umano nito nagampanan ang pagiging pangulo para protektahan ang interes ng sambayanan at pera ng bayan.
Tinukoy niya ang kontrobersiya sa daan-daan bilyong pisong pondong ginugol sa flood-control projects, na nadawit ang pangalan ng pinsan ng Pangulo na si dating House Speaker Martin Romualdez, sa imbestigasyon ng Senado.
Nadiskubre rin umano niya ang plano ng liderato ng Kamara na tanggalin siya bilang miyembro sa pamamagitan ng House ethics committee dahil kinakastigo niya ang katiwalian sa Kongreso.
Hindi aniya malayong magtagumpay ang pagpapatalsik sa kanya sa Kamara dahil kontrolado ng Pangulo at anak nitong si House majority leader Sandro Marcos ang Kongreso.
“With limited time that I have, I will use the position granted to me by the people to call for his removal from power just like how we removed the late dictator Ferdinand Marcos Sr., we shall also remove this president that has betrayed our country,” ani Barzaga.
Sinabi ni Barzaga na handa siyang isakripisyo ang kanyang buhay o kalayaan kung kinakailangan para ipaglaban ang bayan. Hinihikayat din niya ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Reserve Forces at ang lahat ng mamamayan na sumama sa panawagan para sa isang mapayapang pagkilos na maglalayong magkaroon ng “mas mabuting Pilipinas” para sa susunod na henerasyon.
“Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police and Philippine Reserve Forces along all citizens who dream for better future for our country and our descendant, join our call to invoke our democratic right to have our voices be heard. Let us call upon people power and create better Philippines that our children will be proud of,” ani Barzaga.
Simulan aniya ang pagkilos na ito laban sa mga masisiba at corrupt sa gobyerno sa October 12 subalit hindi ito nagbigay na detalye kung sino ang mamumuno sa pagkilos para matanggal si Marcos sa kapangyarihan.
(BERNARD TAGUINOD)
