ISANG OFW SA MALAYSIA NAGPAPASAKLOLO SA MALUPIT NA AMO

MADALAS tayong makatanggap ng sumbong at reklamo mula sa mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs) lalo na yung mga nasa Gitnang Silangan o Middle East.

Kadalasan sila ay minamaltrato, sinasaktan, hindi pinapakain, sobra-sobrang trabaho, kinakasuhan at hindi pinapa-sweldo.

Pero palibhasa’y ­milyon-milyon ang ating mga kababayan na nagtatrabaho sa ibat-ibang panig ng mundo, ­masasabi nating kahit saan ay may mga kababayan tayo na hindi nakaiiwas sa ganitong mga karanasan.

Gaya nitong pinaka-huling sumbong na nakarating sa amin sa AKOOFW. Ang biktima ay nakilala natin sa pangalang Harjane Nazar Boce na isang domestic helper sa Selangor, Malaysia. Isang bansa na hindi kalayuan dito sa atin sa Pilipinas.

Nakarating doon si Harjane noon pang taong 2018. At sa loob ng mahigit dalawang taon na pamamalagi doon ay nakapagtrabaho na siya sa dalawang Malaysian ­employers.

Una sa kaniyang ­naging employer ay si Sundeep Kadalveni ­Ravendra. Walong buwan siyang namalagi doon pero hindi raw niya kinaya ang trabaho. Bukod daw sa gawaing bahay ay meron pa siyang inaalagaang bata na nagsisimula pa lang maglakad.

Madalas daw siyang sigawan lalo na nung ­magkakaroon ng ­COVID-19 kung saan lagi daw stress ang kaniyang amo. ­Nakiusap siya na ibalik na lang siya sa ahensiya at agad ­naman siyang pinagbigyan.
Halos tatlong buwan din siyang naghintay na mabigyan ng bagong amo na mapagtatrabahuhan. Hanggang sa ilipat siya sa bagong employer na n­akilalang si Anvraz Mehrotra.

Subalit hindi pa siya nagtatagal ay agad nang nagpakita ng hindi magandang ugali ang kaniyang bagong amo. Ang una niyang dapat na swelduhin sa trabaho ay hindi agad na ibinigay sa kaniya.

Pinagtatrabaho rin daw siya kahit linggo. Pinababayaran sa kaniya ang lahat ng kaniyang gastos sa bahay tulad ng pagkain at iba pa noong kasagsagan ng lockdown. Ibinawas din sa kaniyang sahod ang pagpapabunot niya ng ngipin pati na ang pambili niya ng kape ay kinakaltas din.

Sa ilang buwan niyang pagtatrabaho sa bago niyang employer ay mas madalas na late ang pagpapa-sweldo sa kaniya. Kung hindi nga raw siya magtanong o kaya ay hingin sa kaniyang amo ang sweldo ay hindi ito ibibigay sa kaniya. Lagi raw nagtatalo ang mag-asawa niyang amo patungkol dito.

Napansin din daw niya na laging galit sa kaniya ang amo niyang babae kahit na walang dahilan para magalit.

Noong pasko, ­Disyembre 25 ay tuloy pa rin daw siya sa pagtatrabaho at dito na nagsimula ang kaniyang kalbaryo. Pinagtulung-tulungan daw siya ng pamilya at pinipilit na magpapirma ng isang dokumento.

Hinila-hila at pinagtulak-tulakan daw si Harjane ng pamilya ng kaniyang amo at trinato siya na parang kriminal. Pinagsalitaan ng masasakit at masasamang salita at may video pa na ginawa sa kaniya habang siya ay umiiyak.

Sinabihan daw siya na meron siyang mental ­problem kaya pilit na pinapapirma sa isang kasulatan na nakasaad doon ang advance payment na ­diumano ay ibinigay sa kaniya ng pamilya ng kaniyang amo.

Umiiyak na humihingi ng tulong sa lalong mada-ling panahon si Harjane.

Hindi natin pababayaan ang ganitong kalagayan ng ating kababayan kaya sa abot-kayang magagawa ng AKOOFW ay tutulungan natin siya para makaligtas sa mapang-api at mapag-maltratong amo mula sa Malaysia.

oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address na saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02) 84254256.

343

Related posts

Leave a Comment