ISANG taon na bukas, Marso 17, ang pagdurusa ng sambayanang Filipino sa coronavirus 2019 na nagmula sa China dahil hindi agad kumilos ang ating gobyerno para maagapan ang pagkalat nito sa bansa dahil nangangamba sila na masaktan ang ego ng bansang ito.
Enero pa lamang ay marami na ang nanawagan na maglockdown na. Isara na ang boarders at huwag papasukin ang mga dayuhan lalo na ang mga galing China. Kaso ang katuwiran noon ni Health Secretary Francisco Duque III ay baka magkaroon ng political repercussion sa China.
Unang linggo pa lamang ng Marso noong 2020 ay maugong na isasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang buong bansa at magpapatupad ng lockdown kaya maraming nakatira sa Metro Manila ang nagtakasan patungong probinsya bago ang lockdown.
Lalong lumala ang situwasyon dahil may mga lider na gusto yatang magpasikat at kaya pinauwi ang mga taga-probinsya na naipit sa Metro Manila o nawalan ng trabaho sa Metro Manila at nagpasyang sa probinsya muna sila habang may pandemya.
Dahil umepal, kumalat tuloy ang COVID-19 sa mga probinsya dahil maraming LSI o Locally Stranded Individuals ang pinauwi na hindi na-clear kung malinis ba ito sa virus o hindi.
Gumamit lang sila ng rapid test na hindi naman 100 percent accurate kaya nakalusot yung mga asymptomatic na siyang hinihinalang nagkalat ng virus sa inuwiang probinsya.
Marami din ang naniniwala na ang isa sa mga nagpalala ng pandemya ay ang pamumudmod ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Special Amelioration Program (SAP) o ayudang pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng pandemya.
Pinalabas ang may 18 milyong katao sa kanilang bahay para kunin ang perang ayuda ng gobyerno sa kanilang barangay kaya nagkaroon ng malaking pagtitipon ng mga tao eh ipinagbabawal nga ang pagtitipon para hindi magkahawaan.
Para sa akin, mali ang ginawang ito ng DSWD dahil ipinagbawal na nga sa mga tao na huwag lumabas ng kanilang bahay habang kinokontrol ang pagkalat ng COVID-19 tapos palalabasin mo para kunin ang kanilang pera?
Puwede naman silang mag-hire ng mga tao bawat barangay na siyang magdedeliber ng ayuda sa mga tao sa kani-kanilang mga bahay pero pinalabas ang mga tao kaya nagkaroon ng tila derby sa bawat barangay. Merong hindi nag-iisip ng maayos.
Isama mo pa ang kapalpakang yan sa kawalan ng mass testing at seryosong contact tracing kaya imbes na makontrol ang pandemyang ito na galing sa China, lalong lumala ang problema at lalo pa yatang lumalala dahil dumarami na naman ang tinatamaan ng sakit na ito.
Puwedeng ikatuwiran ng gobyerno na hindi lang naman sa Pilipinas malala ang pandemya dahil may mga bansa ang mas malala pa tulad ng America, European countries at iba pang malalaking bansa.
Kaso may mga bansa na nakontrol ang pandemya sa kanilang bansa dahil agad silang umaksyon tulad ng Vietnam at Taiwan kaya hindi ko bibilhin kung sasabihin ng ating gobyerno na lahat naman ng bansa sa mundo naapektuhan sa COVID-19.
Dahil maagap at mas pinahalagahan ng bansang ito ang kaligtasan ng kanilang mamamayan kesa anupama….hindi sila masyadong apektado at iilan lang ang namatay sa kanila hindi tulad sa atin na halos 13,000 na ang nasawi.
Bumagal lang ang paglago ng kanilang ekonomiya pero positibo pa rin tulad ng Vietnam na nagtala ng 2% growth sa kanilang GPD, pero sa atin dito sa Pilipinas, nagnegatibo pa ng 9.5%.
Sana noon una pa lang ay pinili ng gobyerno ang interes ng mamamayang Filipino kesa interes ng isang bansa na ayaw nilang saktan ang damdamin, sana hindi natin naranasan ang ganitong haba ng pagdurusa.
163 