P400-B KITA MULA SA MGA TURISTA NAGLAHO?

MALAKING lugi ang nangyari sa industriya ng turismo sa bansa matapos na ipatupad ang mga travel restrictions nang dumating ang COVID-19 pandemic.

Ayon sa nakuhang info ng PUNA, nagkakahalaga ng apat na raang bilyong (P400-B) piso ang naglaho na naiaambag sana ng mga turistang dumarating sa Pilipinas taun-taon.

Umaabot ng 8.3 milyong mga dayuhang turista ang namamasyal sa ibat-ibang lugar sa bayan ni Juan Dela Cruz noong 2019.

Bumagsak ito mula 8.3 milyong dayuhang turista noong 2019 hanggang 1.3 milyong nitong nakaraang 2020.

Ganun katindi ang tama ng COVID-19 pandemic sa bayan ni Juan.

Siyempre dahil yan sa paghihigpit ng gobyerno sa pagpasok sa ating bansa lalo na ang mga turista.

Dalawa lang ang pamimilian ng pamahalaan mag-higpit sa pagpapapasok sa bansa o dumami pa lalo ang mahawaan ng COVID-19 sa lahi Juan.

Unawain din natin ang kalagayan ng mga namumuno sa gobyerno ngayon, hindi natin pare-parehas na kagustuhan ang pagkakaroon ng COVID-19.

At hindi lang naman tayo ang apektado nito kundi maging ang buong mundo.

Nasa pamahalaan na kung paano nila ipatutupad ng maayos ang mga patakaran bagaman totoo napeperwisyo ang sambayanang Pilipino sa kanilang isinasagawang check points.

Lalo na sa kanilang kabuhayan at pang-araw araw na pangangailangan.

Kinakailangan ng taumbayan na magtrabaho, kung kayat ang payo natin sa mga awtoridad na nagbabantay sa mga check points ay ikunsidera ang nightshift workers.

Siguraduhin natin na hindi sila napeperwisyo, hindi pa man nagsisimula ang unified curfew sa National Capital Region (NCR) ay marami na sa kanila ang nahaharang sa mga check points na isinasagawa ng mga awtoridad.

Simula kahapon ay ipinatupad na ng mga awtoridad ang pare-parehong oras ng curfew sa NCR na magsisimula nang alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.

Ipatupad lang natin ng tama ang check points na dapat sa mga maliliwanag na lugar tayo maglatag nito.

‘Wag natin higpitan ang mga nagtatrabaho sa gabi bigyan natin sila ng pagkakataon na makapaghanap buhay sila.

Hindi kakayaning suportahan ng gobyerno sa pangaraw-araw na gastusin ang mahigit sa isang daang milyong populasyon na lahi ni Juan sa bansa.

Pabor ang PUNA sa check points ng mga awtoridad basta’t natutupad ang tamang pamamaraan.

Pabor din po tayo na ginawang pare-parehong curfew hour sa buong NCR.

Wala pong ibang magtutulungan kundi tayong mga Pilipino maging anumang uri ang trabaho natin nasa pribado man o nasa gobyerno.

Mas malaki ang hamong ito ngayon na kinakaharap nating lahat dahil sa paglabas ng ibat-ibang variant ng COVID-19.

Ayon sa mga medical experts biglang sumipa ang COVID-19 cases lalo na sa Metro Manila.

Panalangin ng lahat ng tao sa mundo, ‘Lord naway matapos na ang problemang ito’. God Bless Us.

oOo

Nagpapasalamat ang Task Force BSIG ng Brgy. Isidro, Cainta, Rizal kay Mayor Kit Nieto sa pagkilala nito sa kanilang naiaambag sa komunidad.

Ang grupong ito ay binubuo ng 200 miyembro na pawang mga volunteer na tumutulong sa pagpapatupad ng pagsunod sa health protocols at maging sa kaayusan ng Brgy. Isidro at sa tulong na rin ni Chairman Architect Ric Licup.

Pinangungunahan ito ni sir Rommel Estanislao, bilang Presidente ang Task Force BSIG.

Sana ganito ang ating mga kababayan kung anong maiaambag natin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon.

Sabi pa nga maigsi lang ang buhay, kaya gawin na natin ang nararapat na makabubuti sa ating kapwa. Pagpalain po tayo ng Poong May Kapal.

Si sir Rommel Estanislado ay masugid na tagahanga ni Sen. Bongbong Marcos (BBM).

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

179

Related posts

Leave a Comment