“NAGAWA na namin noon, at kaya namin itong gawin muli.”
Ito ang pangako ni Francisco “Isko Moreno” Domagoso, kandidatong alkalde ng Maynila, sa mga negosyante ng lungsod bukod aniya sa ibabalik din ang kalinisan at katatagan sa kabisera ng bansa.
Sa kanyang pananalita sa harap ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), ipinangako ni Domagoso na ibabalik ang kanyang tax amnesty program at ang epektibong sistema ng pangangalap ng basura.
Ipinagmalaki ng kandidatong alkalde na nang umupo siya sa pwesto noong 2019, hindi lamang niya pinanatili ang mga rate ng buwis, kundi ipinatupad din ang pinakamahabang tax amnesty sa kasaysayan ng Maynila.
“Ngayon nandito ako, hayaan niyo pong tiyakin sa inyo, para may kasiguraduhan, para kayo’y makapaghanda nang maayos patungkol sa inyong negosyo sa Lungsod ng Maynila, ito’y magpapatuloy sa susunod na limang taon sa Lungsod ng Maynila,” sabi ni Domagoso sa mga miyembro ng FFCCCII noong Martes.
Ipinaliwanag ni Domagoso na ang anim na buwang tax amnesty na nagsimula noong Hulyo 1, 2019, ay nagbigay pagkakataon sa mga negosyo at residente na ayusin ang kanilang mga obligasyon nang walang mga parusa.
Binigyang-diin din niya na ang pagiging consistent sa mga polisiya ng buwis ay magpapalago sa ekonomiya at magbibigay ng magandang kapaligiran para sa negosyo sa kabisera.
“Kung matatandaan niyo, nung ako’y umupo sa pwesto, nag-issue ako at hiniling ko sa Sangguniang Panlungsod, gumawa ng isang batas: ang pinakamahabang tax amnesty sa kasaysayan ng Maynila. ‘Yung anim na buwan na tax amnesty noong ako’y umupo noong Hulyo 1, 2019, at nangyari ‘yung pinangako ko at naganap at hanggang ngayon, hindi pa rin nababago ang tax code ng Lungsod ng Maynila,” sabi niya.
Tila nakapagbigay ng kasiyahan ang mga pahayag ni Domagoso sa mga miyembro ng FFCCCII, na matagal nang nagtataguyod ng isang matatag at transparent na kapaligiran para sa negosyo sa Maynila.
Tumugon din siya sa panawagan ng mga residente at negosyante ng Maynila na ipagpatuloy ang kanyang matagumpay na kampanya sa kalinisan.
Ang pagpapanatiling malinis ng Maynila ay hindi lamang isang pangako kundi natupad niya noong siya ay alkalde, aniya.
“Garantisado ko sa inyo, ‘yung nangyari sa simula, garantiya ko sa inyo, gagawin natin ulit, upang mapanatili ang kalinisan ng ating lungsod at ang pangangalap ng basura ay maayos at tamang oras nang walang karagdagang bayad mula sa ating mga komunidad,” wika ng kandidatong alkalde. (JOCELYN DOMENDEN)
