ISKO, SINGAPORE-STYLE URBAN FARMING IPAPASOK SA MAYNILA PARA SA FOOD SECURITY

PALALAKASIN ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang food security at food sufficiency sa pamamagitan ng teknolohiya, tamang pagpaplano at makabagong inobasyon sa agrikultura.

Ito’y matapos ang lakbay-aral ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso sa Singapore, kung saan personal niyang inaral ang mga teknolohiya at pamamaraan sa urban farming, partikular ang rooftop greenhouse farming ng Comcrop—isang sistemang epektibo kahit sa high-density urban areas.

Ayon kay Mayor Isko, isa sa mga pangunahing layunin ng biyahe ay alamin kung paano maiaangkop sa Maynila ang mga makabagong urban farming technologies.

“Tinitingnan po natin ang posibilidad na mag-invest ang Pamahalaang Lungsod sa ganitong mga teknolohiya upang maangkop at magamit ang best practices na ginagawa dito,” pahayag ng alkalde.

Dagdag pa niya, makatutulong ito upang masiguro ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng pagkain habang isinusulong ang paggamit ng teknolohiya at inobasyon.

Binisita rin ni Mayor Isko ang Republic Polytechnic sa Singapore, kung saan nasaksihan niya kung paano pinagsasama ang agrikultura at urban farming sa vocational at technical education—mula silid-aralan hanggang aktuwal na aplikasyon.

Ayon sa alkalde, pinag-aaralan na ring gawin ang kaparehong modelo sa Universidad de Manila, kasabay ng patuloy na pagpapalakas ng Manila Manpower Development Center (MMDC) bilang lokal na plataporma para sa job-ready at skills-based training.

Giit ni Domagoso, sa pamamagitan ng pag-angkop ng best practices mula sa ibang bansa, unti-unting lumalapit ang Maynila sa pagiging isang siyudad na may sapat na pagkain, sapat na kaalaman, at sapat na oportunidad para sa mga Manilenyo.

Aniya, bahagi rin ito ng pagtupad sa Minimum Basic Needs (MBN) ng bawat Batang Maynila—hindi lamang pagkain, kundi pati trabaho at kabuhayan.

Kasama ni Mayor Isko sa pagbisita sa Singapore si Bureau of Plant Industry Administrator Glen Panganiban at apat na agriculturists.

(JOCELYN DOMENDEN)

3

Related posts

Leave a Comment