Ivermectin hindi ilegal – Gadon DEFENSOR ‘DI PWEDENG KASUHAN

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI puwedeng kasuhan si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa pamimigay ng libreng Ivermectin sa mga residente ng Quezon City na proteksyon laban sa COVID-19.

Ito ang pahayag ni Atty. Larry Gadon sa isang interview sa social media account ni Defensor, matapos sabihin ng Department of Justice (DOJ) na posibleng nalabag ang Republic Act (RA) 9711 o Food and Drug Administration (FDA) Law of 2009.

“Hindi siya (Defensor) puwedeng pigilan dyan at hindi siya puwedeng kasuhan sapagkat unang-una, ang Ivermectin ay hindi nakasama sa listahan ng illegal at prohibited drugs ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) kaya walang kaso dyan,” ani Gadon.

“Pangalawa, pinayagan ng FDA ang compassionate use nito sa tatlong hospital. So meron tayong tinatawag na equal protection of the laws. Kung may karapatan ang mga pasyente na maraming pambayad sa hospital na gumamit nito ay may karapatan din ang mga tao na walang walang pera na ang inaasahan lamang ay murang gamot na nagpapagaling sa kanila. Kaya yan ang tinatawag na equal protection of the laws,” paliwanag pa ni Gadon.

Hindi umano makatarungan na pagkaitan ng karapatang mabuhay ang mahihirap na tinutulungan ng grupo ni Defensor para maproteksyunan laban sa nakamamatay na COVID-19.

Dahil dito, hindi puwede aniyang kasuhan sina Defensor at maging ang mga kasamahan nito na namigay ng Ivermectin sa Matandang Balara, Quezon City noong Huwebes.

Kasama ni Defensor sa nasabing inisyatiba si Deputy Speaker Rodante Marcoleta ng SAGIP party-list kung saan mula sa target na 35 katao lamang na bibigyan ng libreng Ivermectin ay umabot ito sa mahigit 200.

Sinuri muna ng mga doctor na sina Dr. Allan Landrito, Iggy Agbayani, Noel Castillo at Sham Quinto ang mga pumila bago binigyan ng nasabing gamot base sa kanilang pangangailangan.

Sinabi naman ni Marcoleta na: “anong gagawin ng FDA o kaya ang DOH kung sakaling mapatunayan na talagang nakakagaling ang Ivermectin. Halimbawa Cong Mike, after one month bumaba sa Quezon City ang infection sa COVID-19, saka namamatay at ang hospitalization rate bumaba, tatanggapin ba ng FDA na dahil sa intervention na ito ay nakatulong talaga ang Ivermectin?”

Depensa pa ni Marcoleta, kaya inilunsad ang nasabing inisyatiba dahil sa mga nakita umano nilang pagpapatotoo na ang nasabing gamot ay nakagagaling sa COVID-19.

208

Related posts

Leave a Comment