SA GANANG AKIN
ALAM ba ninyo na bago pa nagkaroon ng tinaguriang “the greats” tulad nina Robert “The Big J” Jaworski at Ramon “El Presidente” Fernandez ay may isang nagngangalang Carlos “The Big Difference” Loyzaga nang mamayagpag sa larangan ng basketball?
Noong taong 1954, pinangunahan ni Loyzaga ang koponan ng Pilipinas at nanalo ng bronze medal sa FIBA World Championships. Kasabay nito, kinilala si Loyzaga at napabilang sa FIBA World All-Star Mythical Five. Naulit ito noong 1960 nang masungkit ng Pilipinas ang kampeonato sa FIBA Asia Championships. Dalawang beses ding naisama sa delegasyon ng Pilipinas sa Olympics si Loyzaga noong 1952 at 1956.
Nagsimula ang karera ni Loyzaga nang maglaro siya para sa San Beda Red Lions kung saan kinilala siya sa bansag na “The Big Difference”. Tatlong kampeonato ang nakamit ng koponan noong mga taong naglaro si Loyzaga, kasama ang pinaka-aasam na Zamora trophy kontra sa Ateneo de Manila University.
Naglaro rin siya para sa koponan ng Yco Painters kung saan naitala ng koponan ang 49-game winning streak mula 1954 hanggang 1956. Kasama na rin dito ang walong national basketball championship titles sa Manila Industrial and Commercial Athletic Association o MICAA.
Hindi lamang naging mahaba kundi tunay na mahusay ang karera ni Loyzaga sa larangan ng basketball. Matapos magretiro bilang manlalaro noong 1964, siya ay naging coach ng iba’t ibang koponan tulad ng Yco Painters at Manila Bank Golden Banker sa MICAA, UST Glowing Goldies sa UAAP, Philippine Men’s Basketball Team sa 1967 ABC Championships, 1968 Men’s Basketball Team na lumahok sa 1968 Olympics, U/Tex Wranglers at Tanduay sa PBA.
Bunsod nito, hindi nakapagtataka na kinilala ng FIBA ang kontribusyon at galing ni Loyzaga ngayong taon. Siya ang kauna-unahang Pilipinong manlalaro na nakasama sa listahan ng FIBA Hall of Fame inductees na gaganapin sa Agosto.
Maituturing na napakalaking karangalan nito, hindi lamang para sa kanya kundi para sa bansa dahil mapapabilang siya sa linya ng mga kilalang international basketball superstars na gaya nina Michael Jordan, Magic Johnson, at Larry Bird.
Bukod sa induction ceremony, gaganapin din sa bansa FIBA Basketball World Cup sa ika-25 ng Agosto hanggang ika-10 ng Setyembre. Kaugnay nito, nanawagan si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) President at FIBA Asia Board Second Vice President Al Panlilio sa mamamayan na ibigay ang kanilang buong suporta sa Gilas Pilipinas.
Kamakailan, inanunsyo ng SBP ang 21-man Gilas pool na pangungunahan ni NBA star Jordan Clarkson. Kabilang sa delegasyon sina Justin Brownlee, June Mar Fajardo, Scottie Thompson, Kai Sotto, Chris Newsome, Kiefer Ravena, CJ Perez, Rhenz Abando, Jordan Heading, Dwight Ramos, Jamie Malonzo, Thirdy Ravena, Japeth Aguilar, JP Erram, Carl Tamayo, AJ Edu at Anj Kouame. Bagama’t nasa injury list, kasama rin sa linya ng mga manlalaro sina Roger Pogoy, Ray Parks at Calvin Oftana.
Layunin ng Gilas na maging isa sa pinakamahusay na koponan sa Asya bilang bahagi ng istratehiya nitong pataasin ang pagkakataon nitong makapaglaro sa 2024 Olympics na gaganapin sa Paris, France.
Tiyak na magsisilbing malaking inspirasyon ang pagkakaluklok ni Loyzaga sa FIBA Hall of Fame Class of 2023, hindi lamang sa mga manlalaro kundi pati na rin sa sambayanang Pilipino. Kaisa ng Gilas ang mamamayan sa mga pagdadaanan nito sa pagkamit ng kampeonato sa 2023 FIBA World Cup.
415