SA GANANG AKIN
ILANG buwan na lang ay mag-uumpisa na ang 2023 FIBA World Cup na gaganapin dito sa Pilipinas.
Masigasig nang naghahanda ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at maging ang pamahalaan para sa nalalapit na World Cup.
Pangalawang pagkakataon na natin mag-host ng World Cup. Noong 1978, ginanap ang World Cup dito at ang ating koponan ay pinangunahan nila Ramon Cruz, Bernardo Carpio, Alexander Carino, Stephen Watson, Eduardo Merced, Federico (Padim) Israel Jr., Federico Lauchengco, Nathaniel (Nael) Castillo, Gregorio (Yoyong) Gozum, Jr., Leopoldo Herrera, Caesar Yabut, Cesar Teodoro, at coach Nicanor Jorge.
Ang Gilas Pilipinas ay isa sa 31 koponan na maglalaro sa World Cup. Ang ilang preliminary games ay gaganapin sa Mall of Asia at Araneta Coliseum, samantalang ang quarterfinals, semifinals at championship games ay gaganapin din sa Mall of Asia Arena.
Ibinida kamakailan ni FIBA Secretary General Andreas Zagklis ang kahalagahan ng pagho-host ng Pilipinas sa paparating na FIBA World Cup.
Aniya, “We play this year our biggest event, the World Cup in 3 Asian countries—the Philippines, Japan and Indonesia, and this will be the first time in three countries combining together almost 500 million people. It will be an unprecedented event in terms of quality for the players and the fans.”
Ayon naman kay SBP President Alfredo Panlilio, nakakasa na ang paghahanda para sa World Cup. Si Panlilio rin ay nahalal kamakailan sa FIBA Asia Board bilang Second Vice President para sa taong 2023 hanggang 2027.
Ani Panlilio, “It is an honor to be elected in the board of members of FIBA Asia to help the federation continue promoting the game of basketball and camaraderie in the region and the world.”
Bilang isang basketball fan, labis akong natutuwa at nananabik sa nalalapit na World Cup gayundin sa pagsasaayos at pagpapaganda ng ating basketball program sa pamumuno ni Panlilio.
Bukod sa mga kapana-panabik na laro, siguradong bibida rin sa mga dayuhang koponan ang iba’t ibang mga tourist destination ng Pilipinas.
Noong 2019, kumita ang Espanya ng $396 million o Php22.6 billion mula sa pag-host ng World Cup.
Ang pag-host ng mga ganitong paligsahan ay malaking tulong sa pagpapalakas ng ating koponan, at maging sa pagpapaunlad ng turismo na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Kaya naman dapat samantalahin ang mga ganitong pagkakataon upang hindi lang makatulong sa pagbangon ng turismo, kundi maging sa pagpapalakas ng ating programa ng basketbol.
Kinakailangan natin lahat na magkaisa upang masiguro na magiging maganda ang ating pagho-host ng World Cup na inaasahang mag-iiwan din ng maraming magagandang alaala sa lahat ng mga koponan na darating sa ating bansa.
317