AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
MULI na namang nababahala ang grupo ng overseas Filipino workers (OFWs) sa pagkabuhay ng isyu at dating gawaing tanim-bala modus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Matatandaan na nag-viral ang video sa social media hinggil sa pagharang ng bagahe ng isang senior citizen sa paliparan noong March 6 matapos umanong makitaan ng bala o anting-anting sa kanyang bagahe.
Sa pagkakataong ito ay dapat busisiing maigi ang bawat tauhan sa NAIA at dagdagan ang mga CCTV sa nasabing paliparan.
Pinaalalahanan natin ang mga papaalis na OFW na magdoble ingat at siguruhin na sila mismo ang nag-iimpake ng kanilang bagahe upang maiwasan ang tanim-bala modus.
Mas makabubuti rin na kuhanan ng video ang kanilang pag-iimpake para magkaroon sila ng ebidensya.
Kamakailan, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malalimang imbestigasyon sa umano’y bagong insidente ng tanim-bala sa NAIA.
Ibang klase itong mga nasa NAIA, imbes na tulungan nila ang ating mga kababayan lalo na ang OFWs na kaya nagsipag-abroad ay dahil sa kawalang oportunidad sa ating bansa.
Hindi nila iiwan ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas kung may inaasahan silang ikabubuhay dito sa sarili nating bansa.
Napakahirap lalo sa mga ina ng tahanan na iwanan ang kanyang pamilya, lalo na ang mga anak para lang magtrabaho sa ibang bansa na hindi niya alam kung ligtas ba siya sa kanyang pupuntahan.
Hindi lang lungkot at pangungulila sa kanyang iniwang pamilya ang nararanasan ng bawat OFW, minsan ‘pag minalas-malas ay napagsasamantalahan siya ng kanyang among lalaki at hindi ibinibigay ang kanyang tamang sweldo.
Marami rin sa mga anak ng OFW na babae ang hindi nakapagtatapos ng pag-aaral ang mga anak dahil hindi niya nagagabayan ang mga ito.
Kadalasan ding nawawasak ang kanilang pamilya dahil malayo sila sa isa’t isa ng kanilang asawa.
Si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo ay may panukala na mabigyan ng pension ang OFWs sa pagreretiro nila at para makatulong sa sandaling magpasyang manirahan na sa bansa.
Sobrang malaking tulong ito kung magiging batas dahil karamihan sa mga OFW ay hindi nakaiipon sa panahon ng kanilang pag-aabroad dahil ang buong sweldo nila ay ipinadadala sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Kadalasan sa kanila, pagdating ng pagtanda ay wala silang kabuhayan at balik sa kahirapan dahil wala silang naitabing pera noong panahon nasa abroad sila.
Sila pa man din ang tinawag ng gobyerno na mga “Bagong Bayani ng Bayan” dahil sa laki ng kanilang naiaambag sa ekonomiya ng bansa.
Kaya nararapat lang na mabigyan sila ng mga benepisyo na magagamit nila sa kanilang pagtanda, kahit pambili man lang nila ng kanilang mga gamot para sa kanilang maintenance.
-oOo-
Isa namang pagpapala mula sa langit ang nakatamtan ng FC Scrap Trading dahil mayroong panibagong sister company, ito ay ang Ignite Fuel Gas Station Corporation na magsasagawa ng grand opening sa darating na Abril 8, 2025 sa G. Angeles St., Sto. Rosario, Mapulang Lupa, Valenzuela City.
-oOo-
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.
