PINANGUNAHAN ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco D Marbil, ang paggawad ng medalya at pagkilala sa mga pulis na rumesponde sa road rage noong Linggo ng hapon sa Antipolo City.
Mismong si PNP Chief Marbil, ang nagtungo sa Antipolo Component City Police Station para bigyang pagkilala ng Pambansang Pulisya sa natatanging serbisyo na ipinakita sina; PLt. Orlando S. Jalmaso; PCMS Rannel D. Cruz; PCpl. Kaveen-John R. Vera; PCpl. Joeban A. Abendaño ; PCpl. Niño Chavez; Pat. Eldrich P. De Chavez; Pat. Michael Keith L. Panganiban at Pat. John Mark B. Manahan na ginawaran ng Medalya ng Kagalingan.
Naroon din sina Police Brigadier General Paul Kenneth T Lucas, Regional Director Police Regional Office 4A, Police Colonel Felipe B Maraggun, Provincial Director Rizal PPO at Police Lieutenant Colonel Ryan L Manongdo, Chief of Police Antipolo CCPS.
Pinuri ni PGen Marbil ang walong pulis dahil naging maayos ang pag-aresto sa suspek sa pamamaril na ikinasugat ng apat kabilang ang kinakasama ng suspek na si Kenneth Alajar Bautista.
Sa panayam ng SAKSI NGAYON kay PLt. Jalmasco, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa PCP-3 hinggil sa suspek sa pamamaril na papatakas sakay sa Toyota Fortuner na may plakang DAN-7421 patungo direksyon ng Marikina kung kaya’t kaagad ito nagsagawa ng OPLAN CABWEB.
Dito na naglatag ng checkpoint sa pangunguna ni PLt. Jalmasco sa Masinag na posibleng daanan ng suspek. “Sa halip na huminto ay tuloy-tuloy ito patungo sa direksyon ng Marikina kaya hinabol namin at pagdating sa may Texas banda doon na naharang,” kwento ni PLt. Jalmasco.
“Tatakas daw talaga sya pero ihahatid muna raw nya yung asawa nya sa hospital bago sya sumuko,” dagdag na pahayag ni PLt. Jalmasco.
(TOTO NABAJA)
