Kababaihan nangalampag P30K AYUDA BAWAT PAMILYA

NANGALAMPAG ang grupo ng kababaihan sa pangunguna ng Gabriela party-list group para gisingin ang gobyerno at iprotesta ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain lalo na ang mga gulay, karne ng baboy, manok at iba pa at humirit ng ayuda sa bawat pamilyang Pinoy.

Tinawag ng nasabing grupo na Kalampagan ng Kababaihan Kontra Kagutunan ang nasabing protesta kahapon (Biyernes) kung saan nagsuot ang mga ito ng pulang damit bilang simbolo ng kanilang Red Friday Protest.

Bukod sa mga palengke tulad ng Nepa-Q Mart sa EDSA, Quezon City at Marikina, nagsagawa rin ng Red Friday Protest ang kababaihan sa tanggapan ng Department of Agriculture (DA) sa Quezon City Circle.

“Inirerehistro naming mga kababaihan ang aming masidhing panawagan na aksyunan at solusyunan ang pagtaas ng presyo ng gulay, baboy, manok at iba pang kailangan sa hapag-kainan,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

Sinabi ng mambabatas na kung may higit na nahihirapan sa pagtaas ng presyo ng pagkain ay ang kababaihan dahil hirap na hirap na umano ang mga ito sa pagba-budget sa kanilang kakarampot na pondo sa pamilya.

Kasama sa ipinanawagan ng mga ito ang P10,000 ayuda sa bawat pamilyang Pilipino sa loob ng tatlong buwan o katumbas ng P30,000.

“Kaya patuloy ang panawagan namin na P10k ayuda kada buwan sa 18 million families na papatak sa P540 billion sa loob ng tatlong buwan,” ayon sa lady solon.

Triple ito sa P10,000 sa Bayanihan 3 na itinutulak ng mayorya sa mababang kapulungan ng Kongreso dahil isang bigayan lamang ito.

“Kailangan din ng subsidyo para sa agricultural producers at hog raisers,” ayon pa kay Brosas. (BERNARD TAGUINOD)

209

Related posts

Leave a Comment