BAGAMAN halos 70 porsyento ng mga Pilipino ang naniniwala na nalagpasan na ng bansa ang pinakamasamang epekto ng COVID-19 pandemic, lumalabas naman sa ginawang pag-aaral ng isang survey firm na 62% ng mga Pinoy ang nagsasabing lalong humirap ang kanilang pamumuhay.
Ayon sa Social Weather Station (SWS), nasa pito sa sampung Pilipino ang naniniwalang tapos na ang pinakamalalang yugto ng nararanasang krisis dahil sa coronavirus disease 2019.
Base pa rin sa survey ng nasabing kumpanya noong Nobyembre, lumalabas na 69% ng mga respondent ang nagsabing “the worst is behind us” sa global health crisis, na mas mataas kumpara sa 47% na naitala noong nakalipas na Setyembre.
Habang 31% naman ang naniniwala na mas lalala pa ang pandemya.
Marami sa mga naniniwalang tapos na ang pinakamalalang yugto sa COVID-19 crisis ay nasa Metro Manila na siyang epicenter ng pandemya at nasa 78%, sinundan ng Balance Luzon na may 69%, Visayas 67% at Mindanao 65%.
Mahigit sa 1,500 adult respondents ang lumahok sa survey na ginawa sa pamamagitan ng face-to-face interview.
Ang survey ay isinagawa bago ang pagsirit ng COVID-19 cases matapos ang holiday season at pagpasok sa bansa ng mas nakahahawang UK variant.
Ang 1,500 respondent ay tinanong ng: “Alin po sa mga ito ang mas naglalarawan sa inyong nararamdaman tungkol sa krisis sa COVID-19 sa Pilipinas? Sa tingin po ninyo… Lumipas na ang pinakamalala o mas malala pa ito?
Majority ng mga respondent (the “losers”) or 62% ang nagsasabing lumala ang kalidad ng kanilang pamumuhay, 24% ang nagsasabing parehas lamang o walang pagbabago habang 14% (the “gainers”) ang sumagot na gumanda ang kanilang buhay sa loob ng nakalipas na 12 buwan.
Halos kalahati nman ng respondents o 44% ang nagsasabing naniniwala sila na gaganda pa ang kanilang pamumuhay, 36 porsyento naman ang naniniwalang walang pagbabago habang siyam na bahagdan ang nangangambang magiging mas malala pa ito sa mga susunod na buwan.
Pangunahing suliraning kinakaharap ngayon ng sambayanang Pilipino ang kakulangan ng pagkain, paglobo ng halaga ng bilihin at kawalan ng trabaho ng may 12.7 million Filipinos bukod pa sa nararanasang health crisis. (JESSE KABEL)
294 