INIUTOS ni Philippine National Police chief, P/General Guillermo Eleazar ang paghahanap sa umano’y nawawalang dating coordinator ng Kabataan Party-list Laguna chapter.
Ang direktiba ni Eleazar sa Sta. Rosa City Police ay upang mabatid kung talagang nawawala si Kemuel Ian Cometa na alumnus ng UP Los Baños.
Ayon sa alegasyon ng Karapatan Timog Katagalugan, si Cometa ay sapilitan umanong ikinulong ng mga pulis makaraang salakayin ang bahay nito noong Mayo 21 sa Barangay Macabling, Sta. Rosa City.
Nabatid sa panig ng Sta. Rosa Police, walang Kemuel Ian Cometa silang nadatnan sa isinagawang operasyon noong Mayo 21 at wala rin ito sa listahan na kanilang pakay.
Hinamon ni Eleazar ang mga nag-aakusa na patunayan at maglabas ng ebidensya na dinukot ng mga pulis si Cometa na umano’y halos isang linggo nang nawawala. (CYRILL QUILO)
199 