Kabataan target ni alyas “Boy Kamote” BIGTIME TULAK SA QC ISINUMBONG SA PNP

ISINUMBONG ng mga residente ng Quezon City sa tanggapan ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Randy Glenn Silvio, ang umano’y talamak na ilegal na droga ng isang alyas “Wilfredo” o “Boy Kamote” na nakatira sa Mayon Street.

Ayon sa reklamo, bagama’t residente sa naturang lugar, umaabot na umano sa buong lungsod ang galawan ng suspek sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.

Mas nakababahala, karamihan umano sa kanyang parukyano ay mga kabataan, kabilang na ang mga estudyante.

Sa kabila ng ilang beses nang pagkakahuli, lalo pa umanong lumakas ang operasyon ng suspek, na dati’y sa District 1 lang umiikot ngunit ngayon ay sumasaklaw na sa buong Quezon City.

Bukod sa droga, sangkot din umano ito sa iba pang ilegal na aktibidad.

Dahil dito, nananawagan ang mga residente sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na agarang aksyunan ang reklamo.

Pangamba ng mga residente, posibleng tumaas ang krimen gaya ng nakawan, holdapan at karahasan kung hindi mapipigilan ang operasyon ng suspek.

(JOEL O. AMONGO)

78

Related posts

Leave a Comment