ANG proyektong KAtuwang sa DIwa at GaWA (KADIWA) ni Ani at Kita, ng Kagawaran ng Pagsasaka ay nagsasagawa tuwing Biyernes ng pagtitinda ng murang halagang ani at produkto mula sa Chef José Consortium of Cooperatives.
Binubuo ng Batangas Egg Producers’ Cooperative, San Jose Workers’ Multi-Purpose Cooperative, at Batangas Organic and Natural Farming Agriculture Cooperative, ang grupo ng mga kooperatiba na pinagmumulan ng suplay ng mga gulay, prutas, itlog, manok, at iba pang produktong pang-agrikultura na mula sa CALABARZON at ibinibenta sa ilang bahagi ng Kalakhang Maynila.
Halos dalawang toneladang suplay ng pagkain ang iniluwas ng nasabing mga kooperatiba noong ika-5 ng Pebrero sa mga pamilihan tulad ng Waltermart North Edsa; FarmFetch Restaurant sa Katipunan, Quezon City; Waltermart Makati, at Makati Atrium.
Ayon kay Gng. Cecille Aldueza-Virtucio, chairperson ng Chef José, katuwang ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon 4-CALABARZON na nagsisilbing ‘hub’, pinagsasama-sama ang mga ani at produkto na mula sa halos 700 miyembro ng samahan upang maging bahagi ng KADIWA.
Aniya sa pamamagitan ng pagtutulungang ito ay napatataas ang market value ng kanilang mga produkto na nagreresulta sa mas mataas na kita ng mga magsasaka at mas stable na presyo para sa mga mamimili.
“Sapat at sigurado po ang suplay ng pagkain sa CALABARZON. Makakatiyak kayo na sa pagtutulungan po namin na mga magsasaka ay patuloy kaming magdadala ng pagkain sa Metro Manila nang makatulong na maging sapat ang suplay ng pagkain para sa lahat,” wika ni Gng. Virtucio.
Bukod sa lowland and highland vegetables, prutas, manok, at ilog, nagtitinda rin ang Chef José ng mga grocery item, baking product, kape, asukal, at ilang manufactured products gaya ng turmeric tea, sinaing na isda, at iba pa, hindi lamang sa Kalakhang Maynila kundi maging sa ilang bahagi ng CALABARZON.
Ang sinumang interesado ay maaaring direktang mamili sa online marketplace na (www.yourchefjose.com). (CYRILL QUILO)
449
