KAGAWAD ITINUMBA SA BARANGAY HALL

QUEZON – Patay ang isang kagawad ng barangay matapos na pagbabarilin ng tatlong hindi kilalang mga suspek sa harap ng barangay hall sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ng Tiaong Police ang biktimang si Ricky Ambita Galangga, 44, kagawad ng Barangay Cabay.

Base sa report ng Tiaong Police, dakong alas-5:00 ng hapon, dumalo sa meeting ang biktima at nakatayo sa harap ng kanilang barangay hall sa gilid ng Marcial Punzalan Highway, nang dumating ang dalawang motorsiklo na sinasakyan ng tatlong mga suspek.

Bumaba ang backrider ng isa sa mga motorsiklo at lumapit sa kagawad at saka walang sabi-sabing binaril.

Tinamaan sa dibdib ang kagawad habang mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng San Juan, Batangas.

Isinugod ang biktima sa ospital sa Candelaria, Quezon subalit nalagutan ito ng hininga.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ang posibleng motibo sa krimen.

(NILOU DEL CARMEN)

414

Related posts

Leave a Comment