KAHANDAAN SA FACE TO FACE?

SA kabila ng nagbabadyang muling pagsirit ng mga kaso ng nakamamatay na COVID-19, iginigiit ng Department of Education (DepEd) ang pagbabalik ng face-to-face classes sa mga paaralan.

Hindi maikakailang mas mabisa ang ­paraan ng pagtuturo sa ilalim ng F2F set-up, subalit higit na angkop marahil na isaalang-alang muna ng naturang departamento ang kaligtasan ng mga kabataang ayon sa pambansang bayaning Gat Jose Rizal ay ang pag-asa ng ating bayan.

Ayon kay outgoing Education Secretary Leonor Briones, inaasahan niyang siyento-porsiyentong makababalik sa face-to-face ang klase sa lahat ng antas at sa lahat ng paaralan pagsapit ng takdang araw ng pagbubukas ng eskwela ngayong Hunyo.

Ang tanong – may pandemya pa ba?

Sagot ng mga dalubhasa sa siyensya at medisina, oo mayroon pa. Katunayan, mismong ang Department of Health (DOH), aminadong may nakikitang senyales ng muling pagdami ng mga kumpirmadong kaso ng mga tinamaan ng lintek na COVID-19.

Isa pang tanong – handa na ba ang mga pampubliko at pribadong paaralan sa pagbabalik ng face-to-face classes? Ang totoo, may ilang mga eskwelahan ang handa, pero ‘di hamak na mas marami ang hindi.

Sapat ba ang mga silid-aralan? Ang sagot – hindi rin. Bago pa man ang pandemya, kulang na ang mga silid-aralan. Katunayan, sukdulang magsiksikan ang 60 hanggang 70 mag-aaral sa loob ng isang maliit na classroom.

Kung pagbabasehan ang pamantayan ng isang angkop na silid-aralan, 35 na estudyante lang ang dapat nasa loob ng bawat kwarto, kung saan may sapat na espasyo at maririnig ang bawat leksyong ibinabahagi ng guro.

Bakunado na ba lahat ng guro? Ang mga estudyante? Ang mga non-teaching staff na nagtatrabaho sa loob ng mga paaralan? May nakatalaga na bang medical teams ang ­gobyerno sakaling magkahawaan ang mga estudyante?

Ilan lang ‘yan sa mga dapat munang tugunan ng pamahalaan bago pa man ibalik sa normal ang sistema sa mga paaralan.
Ang sigurado, maganda ang face-to face classes sa mga paaralan, pero mas mainam kung napaghandaan muna ‘yan.

226

Related posts

Leave a Comment