KAHILINGAN PARA SA BAYAN NGAYONG 2021

NAPAKATINDI ng pagbabagong idinulot ng taong 2020 sa takbo ng buhay sa buong mundo bunsod ng pandemyang COVID-19.

Ngayong taong 2021, isa lamang ang sigurado. Hindi pa tapos ang ating laban! Kasama pa rin natin ang COVID-19 sa pagsalubong ng bagong taon lalo na ngayong napabalita ang pagkalat sa ibang bansa ng bagong uri nito na nagmula sa United Kingdom.

Bunsod nito ay nanganganib na naman ang turismo sa ating bansa dahil sa pagpapatupad ng pansamantalang travel ban para sa mga bansang mayroong iniulat na kaso ng bagong uri ng nasabing virus.

Inaasahan ding magkakaroon ng pagtaas sa bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa dahil sa katatapos lamang na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. Napakahirap para sa mga Pilipino ang baliin ang tradisyong makasama ang mga mahal sa buhay sa panahon ng Kapaskuhan, lalo na kung ang mga ito ay nasa Pilipinas lamang.

Ito ang dahilan kaya’t ­inaasahan ng pamahalaan ang pagtaas ng bilang ng mayroong COVID-19 sa bansa.

Paunti-unti ay sinusubukan ng pamahalaan at ng pribadong sektor na maibalik sa normal ang takbo ng ekonomiya. Habang sinisikap ng malalaking korporasyon ang magbalik sa normal ang kanilang operasyon, ang bagay na ito ay nananatiling isang malaking pagsubok para sa mga mas maliliit na negosyo.

Sa aking personal na pananaw, isa ang mga maliliit na negosyo sa dapat ­maging prayoridad na mabigyan ng bakuna pagdating nito sa bansa upang sila ay muling makabangon at makatulong sa muling pagpapaangat ng ekonomiya.

Isa rin sa aking kahilingan para sa taong 2021 ay ang pagkakaroon ng sapat na dosis ng bakuna para sa mga Pilipino. Nawa’y makakuha ang ating pamahalaan ng bilang ng bakuna na naaayon sa plano at badyet nito.

Mahalaga rin ang pagkakaroon ng mahusay at maayos na sistema ng pamamahagi ng nasabing bakuna. Ako ay naniniwala na ang mga ito ang magiging susi sa pagkakaroon ng mas maayos na ‘bagong normal’.

Ayon naman sa mga ­balita ay patuloy ang ­pakikipag-usap ng ating pamahalaan sa iba’t ibang ­kumpanyang parmasyutikal. Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr., minamadali ng ­Moderna Inc. ang pagpapadala ng produkto nitong bakuna sa Pilipinas. Ang bakunang gawa ng ­Moderna Inc. ay tinatayang may bisang nasa antas na 95%.

Bukod sa Moderna, sinisikap rin ng pamahalaan na makakuha ng bakuna mula sa isa pang kumpanya mula sa US, ang Arcturus. Ayon kay Locsin, ang dalawang kumpanya ay nagbitaw na ng salita ukol sa pagbibigay ng 25 milyong doses ng bakuna simula sa unang yugto ng 2021.

Ayon naman kay Vaccine czar Carlito Galvez, Jr. inaasahang makakakuha ng bakuna ang Pilipinas mula sa mga parmasyutikal na ­kumpanya sa mga bansang nasa Kanluran ngayong taong 2021.
Binigyang diin ni Galvez na kausap din niya ang Johnson & Johnson, Astra­Zeneca, Gamaleya Institute ng Russia, at ang Novavax mula sa India. Kung maisasara ang mga negosasyon ito, kasama ang negosasyon sa Moderna, sigurado nang makakakuha ang bansa ng hindi bababa sa 80 milyong doses ng bakuna.

Sa iminumungkahing badyet para sa 2021, ­tinatayang nasa P72.5 bilyon ang ilalaan para sa pagkuha ng bakuna.

Ako ay umaasa na ang badyet na ito at ang pagsusumikap ng pamahalaan na makakuha ng mabisang bakuna sa abot kayang ­halaga ay magiging epektibo at magkakaroon ng resulta sa lalong madaling panahon.

Habang wala pa ang mga bakunang ating inaasahan, mahalaga ang manatiling maingat sa ating sarili. Pairalin ang disiplina at ipagpatuloy ang pagsunod sa mga panuntunan ng pamahalaan patungkol sa pag-iwas sa COVID-19.

Nananatili man ang COVID-19 sa ating bansa ngayong taong 2021, malaki naman ang pag-asang mapagtatagumpayan na ng mundo ang labang ito dahil sa pagdating ng mga bakunang inaasahang makatutupok dito.

123

Related posts

Leave a Comment