(RUDY SIM)
DAPAT imbestigahan ang kontrobersyal na campaign video ng Department of Tourism (DOT), ayon kay dating senador at DOT Secretary Richard Gordon.
Sinegundahan naman ito ng mga netizen na naniniwalang dapat kasama sa imbestigahan ang direktor na si Paul Soriano na lumilitaw ngayon na nakialam sa paggawa ng video.
Napuno ng hate comments ang social media matapos mabuking ang pandaraya sa “Love the Philippines” tourism campaign video na inilabas at pinondohan ng halos 50 milyon ng DOT.
Isang vlogger ang nakasilip sa mga ‘pekeng’ video clip na nakasama sa promotional video na hindi aniya kuha sa bansa tulad ng akala mo ay sa Rice Terraces sa Banaue ngunit kuha pala sa Bali, Indonesia; ang mangingisda na mula pala sa Thailand, at maging ang kuha na animo’y sa Ilocos ngunit ito pala ay sa Dubai; gayundin ang dolphin scene sa dagat na hindi rin sa bansa at ang runway ng airport na sa Switzerland pala.
Tila naghugas-kamay naman ang DDB Philippines na gumawa ng video, humingi ito ng paumanhin sa DOT at sinabing wala silang intensyon na lokohin ang mamamayang Pilipino.
Bagamat sinabi ng ad agency na walang ginastos ang gobyerno sa campaign video, para kay Gordon, na nagpasigla ng Wow Philippines, dapat pa rin itong imbestigahan.
Dahil sa malaking kahihiyan ay hindi dapat palagpasin ng pamahalaan ang pagkakamaling ito lalo’t maaaring maapektuhan ang turismo ng bansa at ang integridad ng administrasyon sa mga dayuhang nais magbakasyon sa Pilipinas.
Usap-usapan ang pagiging pakialamero ng mister ng aktres na si Toni Gonzaga sa mga proyekto ng DOT.
Posible umanong malakas ang loob ni Soriano dahil sa pagiging malapit nito sa mga Marcos.
Si Soriano ay pamangkin ni First Lady Liza at si Pangulong Bongbong Marcos ay ninong nila ni Toni sa kasal.
Itinalaga rin si Soriano bilang Presidential Adviser on Creative Communications ni Marcos Jr.
