MISTULANG tiklop sa bansang China ang posisyon ng Palasyo kaugnay ng polisiyang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng bansa – maging yaong balahurang umaangkin sa malaking bahagi ng ating teritoryo.
Ayon sa Pangulo, mananatiling walang kaaway ang Pilipinas sa gitna ng tension sa West Philippine Sea kung saan makailang ulit nang nagpamalas ng pagiging siga ang Chinese Coast Guard na nagtataboy sa mga Pilipino sa loob mismo ng ating sakop na teritoryo.
Ang totoo, walang ni isang Pilipino ang nais ng digmaan. Walang nagnanais na malagay sa peligro at mawalan ng kabuhayan sa gitna ng isang digmaan.
Ang tanging hiling at inaasahan lang naman ng mamamayan mula sa pamahalaan ay isang matibay na paninindigan sa ating teritoryo, batay na rin sa hatol ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na nagbasura sa pag-angkin ng China sa buong karagatan sa gawing kanluran ng bansang Pilipinas.
Ang siste, mas ipinaglalaban pa tayo ng ibang bansa – bagay na dapat ginagawa ng Pangulo sa gitna ng paulit-ulit na insidente ng pambabarako sa mga Pilipino.
Ang totoo, walang silbi ang paulit-ulit na paghahain ng diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung patuloy naman ang pagkanlong ng mismong Pangulo.
Dapat marahil ipaalala sa Pangulo ang tunay na kahulugan ng isang kaibigan. Pero ano nga ba talaga ang dapat asahan sa isang tunay na kaibigan?
Ang kaibigan, hindi nanlalamang, hindi nananakit, hindi nambabarako at higit sa lahat – may respeto, mga katangiang wala sa bansang China na ang tanging interes ay magsamantala sa kung ano ang mayroon tayo.
