KAILANGAN ANG TODONG SUPORTA SA MGA MAGSASAKA AT MANGINGISDA

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

BAGO ang lahat ay nais muna nating batiin ang ating mahal na Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ng isang Maliga­yang Kaarawan.

Nagdaos kasi ng kanyang ika-65 kaarawan kamakalawa si PBBM at dalangin natin na pagkalooban siya ng magandang kalusugan ng ating Panginoong Diyos para patuloy niyang mapaglingkuran nang maayos ang ating sambayanan.

Balik tayo sa ating paksa ngayong isyu. Kamakailan ay lumabas ang ulat mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsasabing mas bumaba ang food inflation rate sa buong bansa sa 6.5 percent nitong Agosto kumpara sa 7.1 porsyento noong Hulyo.

Partikular na malaki ang ibinaba ng inflation para sa isda at iba pang pagkaing-dagat mula sa 9.2 percent noong Hulyo sa 7.2 porsyento nitong Agosto.

Para sa kapakanan ng ating mga giliw na mga mambabasa ay ano ba ang ibig sabihin ng inflation?

Ang inflation ay ang pangkalahatang pagtaas ng presyo ng mga bilihin tulad ng pagkain at serbisyo sa isang bansa o komunidad.

Kung gayon, ano ang ibig sabihin nito kung mas mataas ang inflation dito sa ating bansa?

Ibig sabihin ay mababawasan ng kakayahan ang mamamayan partikular ang mahihirap na makabili ng kanilang pangunahing pangangailangan katulad ng pagkain at makapagpagamot naman ang mga may sakit.

Ito ay sa kadahilanan na mas mataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, kaya mas ­malaking halaga ang kailangan nilang ilabas para makabili ng mga pangangailangan nila para mabuhay nang maayos araw-araw.

Kilala naman na matiyaga at masikap ang mga Pilipino at kaya nilang harapin ang lahat ng pagsubok, pero malaking bagay para sa mahihirap nating mga kababayan na kahit paano ay makakain sila nang maayos ng tatlong beses sa isang araw.

Pero hindi mangyayari iyon na makakain sila ng tatlong beses kada araw kung hindi nila kaya ang presyo ng mga bilihing pagkain.

Kaya naman importante talaga na maging sagana tayo sa pagkain upang maging mas produktibo at malakas ang mamamayan, na makatutulong naman ng pamahalaan para maisulong ang tunay na kaunlaran at kasaganaan sa buong bansa.

Masuwerte na lamang tayo sapagkat desidido si PBBM na talagang maging self-sufficient tayo sa pagkain na kabilang din sa kanyang mga pangako noong panahon ng kampanya.

Katunayan dito ang desisyon niya na pamunuan ang Department of Agriculture upang personal niyang masubaybayan ang mga programang may kaugnayan sa pagtitiyak na matutulungan ng pamahalaan ang ating mga magsasaka at mangingisda.

Kapag nabigyan kasi ng ibayong suporta ang ating mga mangingisda at magsasaka ay tiyak na magiging inspirado sila sa kanilang mga trabaho na nagreresulta naman sa mas maraming suplay ng mga isda at produktong pananim sa mga pamilihan.

At sa ganoong paraan lang tayo makatitiyak na magiging masagana at may maihahaing pagkain ang bawat pamilyang Pilipino sa kanilang mga hapag-kainan.

386

Related posts

Leave a Comment