Kalbaryo ng Pinoy ‘di pa tapos 3 PANG BAGYO PAGHANDAAN – PAGASA

NAGBABALA ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tatlo pang tropical cyclones ang inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), bago matapos ang 2020.

Ito’y matapos ang sunod-sunod na bagyo na tumama sa Pilipinas sa loob ng buwang ito.

Ayon sa PAGASA, hindi pa man nangangalahati ang buwan ng Nobyembre ay tatlong bagyo na ang nanalasa sa bansa.

Pinakahuli ang Ulysses na labis na puminsala sa Luzon kabilang ang Metro Manila.

Kaugnay nito, nakapagtala na ang militar ng 39 kataong namatay sa pananalasa ng bagyong Ulysses.

Bitbit ng bagyong Ulysses ang malakas na hangin at matinding buhos ng ulan na siya namang nagpaalala sa maraming residente ng Luzon sa Tropical Storm Ondoy noong 2009.

Sa isang press briefing, nagbigay ang mga Cabinet official ng iba’t ibang pigura pagdating sa numero ng mga namatay.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, 14 katao na namatay ang “LGU-verified.”

Gayunman, sinabi ng militar, na maliban sa 39 namatay ay may naiulat ding 12 katao na nawawala.

Dagdag ni Interior Secretary Eduardo Año, 38,500 katao ang nasagip o na-rescue ng mga awtoridad sa kasagsagan ng bagyo.

Sa ulat, napanatili ng bagyong Ulysses, ang pang-21 bagyong tumama sa bansa ngayong taon, ang kaniyang lakas nang makarating ito sa West Philippine Sea, umaga ng Huwebes matapos manalanta sa Luzon.

 

Paramihan ng patay?

Kaugnay nito, nilinaw ng National Disaster Risk Reduction Management Council na patuloy pa nilang biniberipika ang hindi magkakatugmang bilang ng mga reported death sa bagyong Ulysses matapos mag-ulat ng 39 patay ang Armed Forces of the Philippines habang 26 ang iniulat ng Philippine National Police (PNP).

Magkatugma ang Department of Interior and Local Government at NDRRMC sa kanilang death toll na umaabot sa 14 hanggang kahapon ng tanghali.

Ayon sa NDRRMC, base sa nakalap na ulat ng kanilang Operation Center, may anim na nasawi mula sa Region II, lima naman sa Region V at isa sa Cordillera Autonomous Region.

“Ang casualty po natin ngayon ay 14, as reported by [Interior] Sec. [Eduardo] Año,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing.

“Kaya lang po nagkakaiba-iba ang casualty figures dahil subject po ito to local government confirmation,” aniya.

Sa isang panayam ay inihayag ni AFP chief of staff Gen. Gilbert Gapay na batay sa natanggap niyang ulat mula sa ground ay nasa 39 ang bilang ng nasawi bagama’t walang malinaw na detalye hinggil dito.

Bahagyang mas mababa naman ang inilabas na ulat ni PNP Chief P/General Debold Sinas, base sa kanilang Situational report na umaabot sa 26.

Sa datos na inilabas ng PNP Operation Center, dalawa ang nasawi sa Metro Manila, pito sa Region 2, tatlo sa Region 3, siyam sa Calabarzon, tatlo sa Region 5 at dalawa sa Cordillera region.

Dalawampu’t lima katao naman ang nasugatan habang labindalawa ang nawawala mula sa NCR, Region 2-3, Calabarzon, Region 5 at Cordillera region. Habang 25 sugatan sa Region 3, siyam sa Calabarzon at walo sa Region 5.

Ang nawawala naman ay 14; isa sa NCR, pito sa Region 2, dalawa sa Calabarzon at apat sa Region 5.

Pumalo na rin sa 107,535 individuals o nasa 1,437 families ang na-rescue ng PNP sa 2,174 rescue operation na isinagawa nito.

Nasa 359,295 individuals o nasa 98,620 families ang nailikas at kasalukuyang nanunuluyan sa evacuation centers.

Nakapagtala rin ang PNP ng nasa 1,899 katao na stranded sa mga pantalan.

Sa huling ulat, nasa 724 pang lugar ang lubog sa tubig-baha at nagpapatuloy ang search and rescue operation.

Sa ulat naman bandang hapon ng AFP, nilinaw nito na base sa kanilang datos, walong bangkay lamang ang kanilang na-recover at hindi 39 gaya ng mga naunang ulat.

Ayon sa AFP Public Information Office, nakasaad sa kanilang talaan ang AFP ay may 8; BFP – 5 at PNP – 26 na may kabuuang bilang ng mga nasawi na 39.

 

P42-B pinsala

Samantala, umabot na sa P4.2 bilyon ang halaga ng imprastrakturang nasira ng bagyong Ulysses.

Sa idinaos na special presidential briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na pumalo na sa aabot sa 52 road sections ang sarado pa at hindi madaanan ng mga sasakyan.

Binigyang-diin ng kalihim na sarado ang mga kalsada dahil sa landslide, makapal na putik, mga natumbang puno at baha.

Sa nasabing bilang, may 14 na kalsada ang mula sa Cordillera Administrative Region; isa sa Region 1; 13 sa Region II ; 8 sa Region III, 7 sa Region 4-A; 8 sa Region 5 at isa sa Region 8.

Sinabi ng kalihim na 19 ang national road na may limited access habang 92 naman ang naisarang kalsada.

 

Magsasaka subsob na

Sa kabilang dako, kung pinadapa ng bagyong Quinta at Rolly ang mga magsasaka at mangingisda, lalo silang isinubsob ng bagyong Ulysses.

Ganito inilarawan ng grupong Amihan ang kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda matapos manalanta, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa Rizal, Bicol at iba pang lugar sa Luzon ang bagyong Ulysses kaya kailangan na kailangan anila ang agarang tulong sa mga nabanggit na sektor.

“Farmers and fisherfolk families urgently need help as the series of typhoons damaged their houses and their sources of livelihood which further amplified their suffering due to the disastrous impact of the pandemic and agricultural liberalization,” ayon kay Zenaida Soriano, national chairperson ng Amihan.

Sa inisyal na report ng Department of Agriculture (DA), umaabot sa P104 million ang ang sinirang pananim ng bagyong Ulysses matapos lumubog ang may 17,845 ektaryang taniman.

Karagdagan ito sa P8.46 billion na sinirang pananim ng bagyong Quinta at Rolly, partikular na sa Bicol, Mimaropa at Calabarzon.

Dahil dito, umaabot aniya sa 241,617 ektaryang agricultural land ang sinira ng tatlong magkakasunod na bagyo kung saan 223,772 ektarya ay pininsala ng Quinta at Rolly habang 17,845 ang dinale ni Ulysses sa Region 3, Cordillera Autonomous Region (CAR) at Calabarzon.

Umaabot naman aniya sa 109, 379 magsasaka at mangingisda ang lalong nilubog kung saan 106,540 dito ay nabiktima nina Quinta at Rolly habang ang 2,839 naman kay Ulysses.

Inaasahan na madaragdagan pa ang bilang ng mga ito kapag dumating na ang mga report hinggil sa Region 2 partikular na sa Isabela at Cagayan matapos lumubog ang kanilang mga pananim nang magpakawala ng tubig ang Magat Dam.

“The national government should step up its disaster response and the immediate delivery of food and other basic needs as local government units have already used up much of its resources in battling COVID-19,” ani Soriano. (CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

322

Related posts

Leave a Comment